Advertisers
Nasawi ang dalawang babae sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril ng kani-kanilang live-in partner sa Cavite at Davao de Oro.
Sa ulat, nasawi ang 45-anyos na ginang sa Barangay Salitran 1 sa Dasmariñas, Cavite nang barilin ng dalawang beses sa dibdib ng kaniyang kinakasama sa kanilang bahay.
Ayon sa anak ng biktima, ang live-in partner ng kaniyang ina ang bumaril at pumatay sa ginang na nangyari nitong hatinggabi ng Linggo.
Sinabi naman ni Police Captain Polly Padios ng Dasmariñas Police Station, na batay sa salaysay ng saksi, nagkaroon ng mainit na pagtatalo ang dalawa dahil umano sa pagseselos ng suspek na humantong sa pamamaril.
Ayon pa kay Padios, dati nang nakulong ang suspek kaugnay sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga.
Nakatakas ang salarin at patuloy na tinutugis ng mga awtoridad.
Nasawi rin ang 34-anyos na babae sa New Bataan, Davao de Oro nang barilin ng kaniyang live-in partner.
Ayon sa pulisya, nagkaroon din muna ng pagtatalo ang dalawa bago ang krimen pero inaalam pa ang ugat ng kanilang pinag-awayan.
Matapos barilin ang biktima, nagbaril din umano sa sarili ang suspek at nasawi rin.
Nagtatrabaho bilang cashier sa isang small town lottery (STL) outlet ang biktima, habang supervisor naman ang salarin.