Mayor Honey, VM Yul magkasamang magpa-file ng COC sa Oct. 3
Advertisers
MAGKASAMANG magpa-file Ng kanilang certificates of candidacy (COC) sina reslectionists Manila Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo sa pagitan ng alas-10 ng umaga at alas – 12 ng tanghali sa October 3, 2024 (Huwebes) sa SM Cinema 12 sa SM Manila. Ito ay upang ipagpatuloy ang mabuti at tapat na pamamahala na nakasentro sa paghahatid ng pangunahing serbisyo sa mga senior citizens.
Samantala ay binasag na ni Lacuna ang matagal na niyang pananahimik sa kung ano ang kanyang tunay na nararamdaman sa plano ng natalong presidentiable at dating alkalde ng Maynila na Isko Moreno na kalabanin siya sa pagka-alkalde ng Lungsod. Inamin ni Lacuna na: “definitely, I feel betrayed.”
Sinabi ni Lacuna sa isang panayam ng One PH’s “Sa Totoo Lang” na ang huling pag-uusap nila ni Moreno ay nitong unang bahagi ng Agosto kung saan sinabi ni Moreno ang Plano niyang pagtakbo bilang alkalde ng Maynila. Idinagdag pa ni Lacuna na maikli lamang ang kanilang pag-uusap.
“Nabanggit niya na binabalak niyang tumakbo ulit na mayor very short lang pag-uusap namin. Definitely, I feel betrayed because nung siya naman po ay namaalam at tumakbong Presidente, very clear po sa amin sa partido po namin na kapag hindi po siya sinuwerte ay magre-retire na daw po siya and on seveal occasions na magkakasama kami ay lagi po nyang sinasabi ‘yun, assuring everyone na he is already retired from politics at hindi ho kami magiging magkalaban kahit kailan,” pagbubunyag ni Lacuna.
Idinagdag pa ng lady mayor na : “Very clear po talaga ‘yun eh… in fact, bago po siya (Moreno) umalis ng Maynila ay pinagbilinan pa po nya kami ni Vice Mayor Yul Servo.. klaro po samin ni Vice Mayor Yul Servo po naa magre-retire na po siya at in fac, nabanggit po niya that he would venture into teaching at alam naman po natin na nagbalik- showbiz siya.”
Nang tanungin kung tinanong niya si Moreno na i-reconsider ang na wag ng tumuloy sa kanyang balak na pagtakbo bilang alkalde, tumugon si Lacuna ng:” Dapat po. Kasi ‘yun naman po talaga ang napag-usapan namin at lagi niyang binabanggit ‘yun sa kahit anong events o mga magkakasama po kami. Sinabi po nya ‘yan ilang beses sa harap ng lahat ng mga kapartido po namin, sinabi po nya ‘yan kapag may malakihan po kaming kausap na mga barangay officialat at kahit po sa ordinaryong tao ay lagi po n’ya ‘yan sinasabi at lagi po nya ina-assure ‘yung aming partido na wala pong ganyang mangyayari.”
Kapansin-pansin na sa anim na incumbent Congressmen sa Maynila, Lima ang nanatili kina Lacuna at Servo na kinabibilangan nina Congressmen Rolan Valeriano, Joel Chua, Edward Maceda, Irwin Tieng at Benny Abante. Lahat sila ay naghahangad ng reelection maliban kay Maceda kung saan ang kanyang maybahay na si Dr. Giselle ang hahalili sa kanya dahil naabot na nito ang kanyang three-term limit.
Ang comebacking Congressman na si Manny Lopez samantala ay tatakbo sa ilalim ng Lacuna-Servo na mayroon ding malakas na suporta ng majority members ng Manila City Council.
Lahat ng ito ay tatakbo sa ilalim ng ruling local party sa Maynila, na Asenso Manileño, na tumulong din kay Moreno na maging vice mayor at mayor, sa gabay ng party founder at patriarch, dating Vice Mayor Danny Lacuna, ama ni Mayor Honey.
Nang matalo si Moreno sa presidential elections noong 2022, ang Asenso Manileño naman ay namayani sa Maynila kung saan lahat ng elective local posts mula mayor, vice mayor, six Congressmen at 36 councilors ay nakopo nito. (ANDI GARCIA)