Advertisers
Kilala bilang “Mr. Malasakit” sa kanyang malawak na people-centered, service-oriented agenda, pormal na naghain kahapon si Senator Christopher “Bong” Go ng certificate of candidacy para sa kanyang reelection bid sa darating na 2025 senatorial elections.
Bukod sa mga nagawa na sa kanyang unang termino bilang senador simula 2019, plano ni Go na ipagpatuloy at lalo pang palakasin ang kanyang mga adbokasiya sa kalusugan, seguridad sa pagkain, trabaho, edukasyon, kabataan at pagpapaunlad ng palakasan.
“Hindi ko po sasayangin yung pagkakataon na ibinigay niyo sa akin. Magtatrabaho po ako para sa Pilipino. Iyan ang aking maiaalay sa inyo — ang kasipagan ko sa pagtatrabaho at pagtulong sa abot ng aking makakaya. Bisyo ko ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbjsyo sa tao ay serbisyo sa Diyos,” idiniin ni Go.
Itinatampok ng legislative agenda ni Go na tugunan ang ilan sa mga pinakamabigat na isyu na kinakaharap ng mga Pilipino ngayon.
Bilang tagapangulo ng committee on health sa Senado, palaging inuuna ni Go ang pagpapalawak ng pangangalagang pangkalusugan, partikular sa pamamagitan ng Malasakit Centers Act, na pangunahin niyang iniakda at itinataguyod.
Ang inisyatibang ito ay nagpabilis ng access sa mga programang tulong-medikal kung saan ay mahigit 15 milyong Pilipino na ang nakinabang, batay sa sa datos ng DOH.
Nangako si Go na patuloy na isusulong ang pagtatatag ng mas marami pang Super Health Center sa buong bansa at ang pagpapatupad ng Regional Specialty Centers Act na pangunahin niyang inisponsor at isinulat.
Titiyakin din niya na ang mga pondo para sa kalusugan ay magagamit sa pagprotekta sa kalusugan gayundin ang pagtataguyod ng kagalingan ng mga Pilipino.
Maaalalang si Go ang walang pagod na nagsulong ng mga reporma sa PhilHealth upang palawakin ang mga benepisyo nito, bawasan ang premium contributions, taasan ang case rate, magbigay ng mga libreng gamot, at i-update ang mga patakaran nito tulad ng pagbasura sa Single Period of Confinement Policy.
Nananawagan din siya para sa paglikha ng isang Center for Disease Control and Prevention at ang pagtatatag ng isang Virology Science and Technology Institute, gayundin ang mga pagsisikap na tiyakin ang kapakanan ng mga manggagawang pangkalusugan.
Binigyang-diin din ni Go ang seguridad sa pagkain at ang sektor ng agrikultura. Nagsusulong siya para sa patuloy na pamamahagi ng input sa agrikultura, kabilang ang mga binhing lumalaban sa tagtuyot, mga pataba, at makinarya, upang mapahusay ang produkyon nito.
Nananawagan din ang senador na magkaroon ng karagdagang scholarship para sa mga bata para mahikayat ang mga susunod na henerasyon na nakatuon sa agrikultura.
Patuloy ring itinutulak ni Go ang dagdag na badyet para sa mga programang pang-sports upang mapabuti ang paghahanda, pagsasanay, at kompetisyon ng mga atletang Pilipino habang inilulunsad ang mga epektibong programa na lilinang sa talento ng mga kabataang mahilig sa grassroots sports.