Advertisers
ANG Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ay makararanas ng ‘waterless’ sa Sabado ,Nobyembre 1, 2024 dahil sa nakaplanong pagkaputol ng serbisyo ng tubig ng Maynilad sa loob ng 16 na oras mula 2:00 pm hanggang 6:00 am dahil sa repair activities sa Putatan Treatment Plant.
Tiniyak ng New NAIA Infra Corp.(NNIC) sa mga pasahero at stakeholder na naghanda na ito ng mga contingency measures upang matiyak ang tuluy-tuloy na supply ng tubig sa buong panahon ng pagkaputol nito.
Sinabi ng kumpanya na gagamitin nito ang mga existing water reserves mula sa T3 water tanks ng NAIA na may pinagsamang kapasidad na 3.2 milyong litro. Tutulong din ang Maynilad sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga water delivery truck upang mapunan ang mga tangke na ito kung kinakailangan.
Bilang karagdagan, ang mga lalagyan ng tubig ay ilalagay sa mga banyo sa buong terminal. Ang mga trak ng tubig ay naka-standby din upang mag-refill ng mga water container sa comfort room kung kinakailangan.
Pinapaalalahanan ng NNIC ang lahat ng pasahero at stakeholder na magtipid ng tubig sa panahong ito. Ang mga simpleng hakbang tulad ng matipid na paggamit ng tubig sa mga banyo at pag-uulat ng anumang pagtagas ay makatutulong na matiyak ang sapat na supply ng tubig para sa lahat. (JOJO SADIWA/JERRY TAN)