Advertisers

Advertisers

Espenido umamin: Pagdawit kay Bong Go sa QuadComm, tsismis lang

0 17

Advertisers

UMAMIN si Police Colonel Jovie Espenido sa ilalim ng panunumpa sa public hearing ng Senate blue ribbon committee, na wala siyang personal na kaalaman sa pagkakasangkot ni Senator Christopher “Bong” Go sa drug war.

Ang pagsisiwalat ni Espenido ay lumabas sa pagdinig sa Senado matapos kuwestyonin ang mga motibo ni Espenido sa pagsasama sa pangalan ni Sen. Go sa kanyang isinumiteng affidavit sa House of Representatives’ quad committee. Dahil dito’y kinuwestyon ni Go ang validity ng affidavit:

“You lied in your affidavit,” sabi ni Go kay Espenido. “Bakit mo sinabi yung pangalan ko sa affidavit?”



Idiniin ni Espenido na binanggit niya ang pangalan ni Go batay lamang sa mga kuwento sa kanya ni yumaong Clarin, Misamis Occidental Mayor David Navarro na umano’y sangkot sa illegal drug trade noong panahong iyon.

Dahil patay na ang alkalde ay hindi na mapatunayan ang kanya umanong kwento.

“Your Honor, Mr. Chair… Napakinggan ko lang ‘yun kay Mayor Navarro,” ang pag-amin ni Espenido.

Sa kanyang affidavit na inihain sa House of Representatives’ quad committee, binanggit ni Espenido na ang pondo ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) ay diumano’y ginagamit upang magbigay ng insentibo sa aksyon ng mga pulis sa gitna ng giyera sa droga ng administrasyong Duterte.

Nabanggit ang pangalan ni Go sa affidavit na nag-uugnay sa kanya sa umano’y fund channel, na sa kalaunan ay lumitaw na narinig lamang ni Espenido sa isang tsismis.

Ayon kay Go napakalaki ng naging implikasyon ng pahayag ni Espenido, partikular na sa potensyal nitong makapinsala sa mga reputasyon, batay lamang sa mga hindi beripikadong sabi-sabi



“To clarify, sinabi mo na tumawag ako to clear Mayor Navarro, but I merely relayed it to you for you to do your job,” ani Go.

“Hindi naman po ako ang validating, hindi ko naman po trabaho ‘yan… Even sa DILG kay Secretary (Eduardo) Año noon, even sa mga Chief PNP ‘pag may lumalapit na mga mayors not only sa Mindanao, even in Luzon… nagmamakaawa na gusto nilang i-clear ‘yung sarili nila. Pero hindi, sabi namin hindi po dito sa amin, hindi po kay Presidente. Mayroon pong ahensya niyan, ang DILG, ang PNP, ang PDEA to validate,” paliwanag ng senador.

“I did not tell you to clear him. Wala naman po akong alam o mandato o katungkulan diyan. Kayo po ang nakakaalam, trabaho n’yo po ‘yan bilang pulis doon sa area ninyo. Tama ba Col. Espenido?” tanong ni Go.

Kinastigo naman ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa si Espenido sa pagdadawit kay Sen. Go nang walang ebidensya. Tinawag niya itong maling paggamit ng legislative proceedings para sa potensyal na paninirang-puri.

Kinuwestiyon din ni Dela Rosa kung bakit si Espenido ay magdadawit ng pangalan ng isang tao kung wala siyang kaalaman upang patunayan ang naturang alegasyon.

Ginisa rin niya ang mga pahayag ni Espenido sa ikatlong pagdinig sa quad com, kung saan binanggit ni Espenido sina Dela Rosa at Go.

Inamin ni Espenido na ang kanyang affidavit ay naglalaman lamang ng mga sabi-sabi at nilinaw na wala siyang personal na kaalaman sa umano’y pagkakasangkot ni Go sa drug war.

Nagbabala si Go sa potensyal na legal na aksyon laban sa mga nagtatangkang siraan siya nang walang batayan at idiniin na hindi siya magdadalawang-isip na gumawa ng hakbang upang maprotektahan ang kanyang reputasyon.

“What you claimed in your affidavit is considered perjurious,” sabi ni Go.

“Huwag na sana nilang piliting iugnay sa akin ang mga bagay na walang katotohanan. Malisyoso ito at mapanirang puri,” idiniin niya.