NASILO ng national juniors gymnastics team ang anim na gintong medalya sa 3rd JRC Artistic Gymnastics Championships na ginaganap sa Bangkok, Thailand.
Nanguna sa kampanya ng Team Philippines si Karl Eldrew Yulo — ang nakababatang kapatid ni Paris Olympics double gold medalist Carlos Edriel Yulo — matapos sumiguro ng gintong medalya sa Men’s Artistic Gymnastics (MAG) Junior Individual All-Around Event.
Bahagi rin si Yulo ng national juniors team na nakapilak sa team all-around event.
Susubukan pa ni Yulo na humirit ng gintong medalya sa apparatus — parallel bars, vault, floor exercise at still rings.
Maningning din si Jacob Alvarez na humataw ng limang ginto at dalawang pilak na medalya sa pre-junior division.
Nakasungkit si Alvarez ng ginto sa individual all-around, vault, floor exercise, horizontal bars at still rings.
Nagkasya naman ito sa pilak sa pommel horse at parallel bars.
Si Yulo ay kasalukuyang sinasanay ni Japanese coach Munehiro Kugimiya na siyang humubog sa kuya nitong si Caloy upang maging isang world-class gymnast.