Advertisers
ITINANGGI ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na kasama sila sa pagsalakay sa pinagdududahang Philippine offshore gaming operator (POGO) hub sa Maynila at inakusahan ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa pagdawit sa kanila sa depektibong operasyon.
Sinabi ng PAOCC na hindi sila bahagi ng operasyon sa Century Peak Tower sa korner ng Adriatico at Sta. Monica streets noong Martes, Oct. 29, kungsaan 85 katao, kabilang ang 69 foreigners, ang dinakip.
Ang raid, ayon sa PAOCCC, ay pinamunuan ng NCRPO at ng Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG).
“We were never consulted nor informed regarding this operation,” sabi ng PAOCC.
Itinanggi din ng PAOCC na ang sinalakay na POGO ay ang “mother of all POGOs” at ang ahensiya ay hindi sangkot sa operasyon.
Sinabi ni PAOCC spokesman Winston John Casio sa ipinadalang mensahe sa Viber sa mga mamamahayag na kinokondena nila ang pagsangkot sa komisyon ng NCRPO sa “failed” operation.
Tinawag ni Casio na bigo ang operasyon nang pakawalan ang mga nahuling banyaga matapos na mabigo ang mga pulis na makakuha ng dokumento para pigilan ang mga ito.
Binigyang diin ni Casio na ang PAOCC ay hindi basta gumagawa ng anumang aksyon nang hindi nakikipag-coordinate sa Inter-Agency Council Against Trafficking (DOJ-IACAT) ng Department of Justice at ng Bureau of Immigration (BI).
Sinabihan rin niya si NCRPO director Major General Sidney Hernia na linisin ang pangalan ng PAOCC sa pagsangkot sa “botched” raid.
Abala aniya sila sa paghahanda sa “successful” operation sa Central One, isang suspected POGO hub sa Bagac, Bataan na sinalakay noong Huwebes, Oct. 31, kaya ang PAOCC ay malabong kasama sa Century Peak Tower.
“On a personal note, I call on Maj. Gen. Hernia to man up and act as a true honorable cavalier,” diin ni Casio.
Sa kabilang banda, hindi naman binanggit ng NCRPO ang PAOCC na kasama sa nasabing operasyon sa inilabas nitong press release tungkol sa Manila raid.