Advertisers
Naghain ng disbarment complaint sa Korte Suprema si Secretary Larry Gadon ng Office of the Presidential Adviser on Poverty Alleviation laban kay Vice President Sara Duterte-Carpio, Martes ng umaga.
Sa kanyang paghahain ng reklamong disbarment na may kinalaman sa pagmumura at pagbabanta ni VP Sara laban kina Pangulo Bongbong Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez, hinamon ni Gadon ang SC na agad maglabas ng desisyon.
Ayon kay Gadon, maliwanag ang ginawang paglabag ni Duterte sa Cannon Law at Conduct of Ethical of Professional Responsibility bilang isang abogado.
Sinabi ni Gadon, dito masusubukan ang justices ng Korte Suprema na wala silang pinapanigan, na inihalimbawa pa ang kanyang sarili na agaran siyang tinanggalan ng lisensiya bilang abogado matapos din siyang ireklamo ng disbarment nang kumalat ang video ng ginawa niyang pagmumura.
Sakaling hindi maglabas ng desisyon, handa si Gadon na sampahan ng impeachment ang justices kungsaan maliban sa kaniyang reklamo may nakabinbin din sa Korte Suprema na isa pang disbarment ni VP Sara na may kaugnayan naman sa panununtok nito sa isang Sheriff noong alkalde pa ito ng Davao City.
Nauna nang inihayag ni Atty. Camille Ting, tagapagsalita ng Supreme Court na may natanggap na silang anonymous letter na pinapa-disbar si VP Sara.(Jocelyn Tabangcura)