Hinimok ni Senator Christopher “Bong” Go, chairperson ng Senate committee on youth, ang mga kabataang lider sa pagpapaunlad ng bansa sa pamamagitan ng pagtulong sa kani-kanilang komunidad upang ito’y mapalakas
Ginawa ni Go ang panawagan sa kanyang pagdalo bilang keynote speech sa “PANGANDOY: The National Youth Convention 2024” na ginanap sa Forest Crest Nature Hotel sa Nasugbu, Batangas noong Lunes, Disyembre 2.
Nagsama-sama sa kombensiyon na idinaos mula Disyembre 1 hanggang 4, 2024, ang mahigit 500 lider ng kabataan, kinabibilangan ng mga opisyal ng Sangguniang Kabataan (SK), mga miyembro ng Local Youth Development Council (LYDC), at Local Youth Development Officers (LYDOs).
Bago dumating sa event, nalagay sa bingit ang buhay ni Go nang mag-emergency landing ang helicopter na sinasakyan niya sa Pililla, Rizal, dahil sa masamang panahon. Nakatakda siyang dumalo noon sa inagurasyon ng isang Super Health Center sa Mabitac, Laguna.
Sa pasasalamat at nakadalo sa pagtitipon ng mga kabataan na inorganisa ng National Youth Commission, muling iginiit ni Go ang kahalagahan ng youth empowerment at idiniin na kailangan ang sama-samang pagkilos sa paghubog sa kanila upang maging produktibong mamamayan tungo sa pag-abot ng kanilang mga layunin at adhikain.
Naniniwala si Go na ang kabataan ang pag-asa ng bayan, hindi lamang sa darating kundi pati na rin sa kasalukuyan. Hinikayat niya ang mga lider ng kabataan na gamitin ang kombensiyon bilang isang pagkakataon upang pahusayin ang kanilang mga programa at inisyatiba.
Hiniling niya na gamitin kanilang mga natutunan upang mapalawak ang kaalaman at mas mapaunlad pa ang mga proyekto para sa kabataan.
Ang okasyon ay nagsilbing plataporma upang ihanay ang mga lokal na inisyatiba ng kabataan sa Philippine Youth Development Plan (PYDP) 2023–2028 at palakasin ang mahahalagang tungkulin ng mga kabataang lider sa pagpapaunlad ng komunidad.
Mahigpit na itinaguyod ni Go ang mga programa para sa National Youth Commission (NYC) at sinuportahan ang pagpopondo para sa mga kombensiyon ng kabataan ngayong taon.
Pinuri ni Go ang mga kalahok sa kanilang dedikasyon sa kanilang mga komunidad at hinikayat niya sila na maging masikap sa pagsasabing ang tagumpay ay nakasalalay sa sama-samang pagkilos.
Kaugnay nito, pinasalamatan ni Go sina Gobernador Dodo Mandanas at Bise Gobernador Mark Leviste sa kanilang walang tigil na suporta sa pagtataguyod ng kabataan sa Batangas. Kinilala rin niya ang mga opisyal ng National Youth Commission (NYC), kabilang si Usec. Jeff Ortega, tagapangulo at CEO ng NYC; Commissioners Karl Josef Legazpi, Michelle Mae Gonzales, Atty. Reena Vivienne Pineda, Bianca Patrice Go, at Carol Julianne Dalipe; at Leah Villalon, executive director.