Advertisers
PUSPUSAN na ang paghahanda ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) upang matiyak ang maayos at ligtas na halalan, kasama na rito ang paglalatag ng emergency voting centers, lalo na sa harap ng posibleng sakuna o natural na kalamidad.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni PPCRV National Coordinator Dr. Arwin Serrano na bibigyang prayoridad sa pagboto ang mga tauhan ng Office of Civil Defense (OCD) na aktibong kalahok sa disaster relief operations.
Aniya, hahayaang bumoto ang mga ito gamit ang express lane, katulad ng mga persons with disabilities (PWDs), senior citizens, at buntis.
Dagdag pa ni Serrano, patuloy ang monitoring sa posibleng direksyon ng hangin at taas ng pagputok ng Bulkang Kanlaon, lalo na kung ito ay mangyayari isang araw bago o mismong araw ng halalan.
Paliwanag niya, bahagi ito ng contingency plans upang mapanatili ang kaligtasan ng mga botante at election personnel.
Bukod dito, sinabi ni Serrano na gagamitin ang mga emergency voting centers sakaling hindi magamit ang mga karaniwang voting precincts na nasa loob ng lima hanggang sampung kilometrong radius mula sa apektadong lugar. (Gilbert Perdez)