Advertisers

Advertisers

10-anyos nasawi sa tuli ng pekeng doktor

0 65

Advertisers

Nangisay at nasawi ang isang 10-taong-gulang na lalaki nang tuliin ng isang nagpakilalang doktor sa isang lying-in clinic sa Balut, Tondo, noong Mayo 17, dakong 2:00 ng hapon.

Kinilala ang biktima na si Mc Nathan San Agustin, 10-anyos.



Kuwento ng ina ng bata na si Marjorie San Agustin, malakas ang anak niyang si Nathan nang dinala niya sa clinic para magpatuli.

Ayon kay Marjorie, isang lalaking nagpakilalang doktor ang nagturok ng anesthesia na 20cc ang kanyang anak, batay sa sinabi ng isang staff.



Tinanong pa umano ni Marjorie ang anak kung ano ang pakiramdam, at sumagot ang bata na wala na siyang nararamdaman.

Pero matapos ang proseso, napansing umano ni Marjorie na nanginginig na ang anak.



“Tapos sabi ko po sa doktor kung normal lang po ‘yan kasi natatakot na po ako eh. Sabi po ng doktor, normal lang daw po ‘yan kasi groggy daw po. Tapos na po, nangingisay na po siya,” umiiyak na kuwento ng ginang. “Nakadilat po, tapos parang wala na po sa sarili.”

Dinala sa ospital si Nathan pero pumanaw na siya.

“Kung may kasalanan po sila, hindi ko po sila mapapatawad. Sobrang sakit po, wala na po ‘yung anak ko. Hindi po kaya ilibing ‘yung anak ko,” anang ginang.

Nag-report ang pamilya sa Manila Police District at nagpunta rin sa National Bureau of Investigation para maimbestigahan ang nangyari sa bata.

“Iniimbestigahan namin, but then number one ‘yan is the autopsy. Kung ano resulta ng autopsy, kung meron dapat managot or what,” ayon kay NBI Director Jaime Santiago.

“Malaman namin ‘yung cause of death. Isu-subpoena namin siya kung anong procedure ang ginawa niya,” patungkol ni Santiago sa doktor.

Napag-alaman na hindi totoong doktor ang nagtuli sa nasawing bata.

Isa raw umanong babaeng senior citizen na isang midwife o komadrona at nagpapanggap na doktor na gumawa ng nasabing operasyon.

Sinasabing naaresto na noong 2023 ang salarin nang salakayin ng mga tauhan ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group ang isang lying-in clinic sa Balut, Tondo, Maynila.

Ginagamit ng suspek ang pangalan at license number ng isang lehitimong doktor na nakatrabaho niya mahigit 20 taon na ang nakalipas.

Ayon sa barangay, nakapagpiyansa ang suspek noon.

Ayon sa barangay, matagal nang walang permit ang clinic ng suspek.

“Walang request so ang alam namin, hindi siya nag-ooperate… Ang alam namin, licensed midwife siya. Pero doktor? Hindi,” ani Kagawad Maria Christina Tipon ng Barangay 146.

Sa kuwento ni Marjorie, natuklasan niya online lang ang clinic dahil assistant doon ang isa sa kanyang kakilala.