Pelikula ni Lino Cayetano na ‘Salvage Land,’ binatikos dahil sa iniwang basura sa shooting site sa Zambales… LGU San Marcelino, agad na nagsagawa ng imbestigasyon sa paglabag sa batas pangkalikasan
Advertisers
UMALINGAWNGAW ang batikos mula sa mga opisyal, residente at netizens laban sa production team ng pelikulang Salvage Land na dinirek ni Lino Cayetano, matapos mapuna ang kapabayaan sa kalinisan ng kapaligiran sa Barangay Rabanes, isa sa mga lugar ng kanilang shooting sa San Marcelino.
Ipinakita sa mga larawang kumalat sa social media noong Hunyo 21, 2025 ang tambak ng karton, plastic, at papel na ginamit sa produksyon na iniwang nakakalat sa tabing-ilog ng Sto. Tomas River. Ayon sa mga residente, hindi ito ang inaasahang asal mula sa isang professional film crew na nag-taping sa kanilang bayan.
Agad na umaksyon si Mayor Elmer Soria at inatasan ang Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) na imbestigahan ang insidente. Iginiit ng LGU na ito ay paglabag sa Republic Act 9003 o Ecological Solid Waste Management Act at sa mga umiiral na ordinansa ng bayan tungkol sa solid waste management.
Si Vice Mayor Jimbo Ragadio Gongora naman ay mabilis na tumugon matapos makarating sa kanya ang reklamo sa social media pasado hatinggabi. Kinaumagahan, agad niyang pinuntahan ang lugar upang personal na makita ang sitwasyon. Kinumpirma niyang nagkalat ang mga basura sa paligid at agad na ipinaabot sa production team ang panawagan para linisin ang lugar at magsumite ng paliwanag. Pagkatapos, makikita sa kanyang official na Facebook page ang mga larawan ng crew na nagsagawa ng paglilinis sa lugar.
Bagama’t may naipakitang permit ang production team ng Rein Entertainment mula sa LGU, iginiit ng mga residente at lokal na opisyal na hindi ito lisensya upang balewalain ang mga patakarang pangkalikasan.
Ayon pa sa mga komentaryo online, kulang umano sa konsiderasyon ang production team pagdating sa epekto ng kanilang aktibidad sa komunidad at kalikasan.
Binigyang-diin ng lokal na pamahalaan na bagamat bukas ang San Marcelino sa mga proyekto sa larangan ng sining at pelikula, hindi dapat isinasantabi ang responsibilidad sa kapaligiran.
Tiniyak ng LGU na magpapatupad ito ng mas mahigpit na alituntunin sa mga susunod na proyekto upang masigurong hindi na mauulit ang ganitong insidente.
Noong nakaraang eleksyon, lumaban at natalo si Lino Cayetano sa kandidato nina Sen. Alan at Mayor Lani Cayetano na si Cong. Ading Cruz, Jr.