Managot ang dapat managot, imbestigasyon sa P2.5-B flood control project sa Las Piñas-Zapote River Drive, isasagawa — Rep. Santos
Advertisers
Managot ang dapat Managot kapag napatunayan na nagkaroon ng hokus pokus sa mga proyekto ito ang inanunsyo ngayong araw ni Las Piñas Rep. Mark Anthony Santos ang kanyang intensyon na magsagawa ng pormal na imbestigasyon kaugnay sa kontrobersyal na P2.5-bilyong flood control project sa kahabaan ng Las Piñas-Zapote River Drive, matapos muling bahain ang Brgy. Pulanglupa Dos sa kasagsagan ng malakas na ulan kamakailan.
Ayon kay Rep. Santos, ang patuloy na pagbaha sa lugar, sa kabila ng pagkumpleto ng proyekto noong 2022, ay malinaw na senyales na may kailangang ipaliwanag sa paggamit ng pondo at sa kalidad ng implementasyon.
“Kung totoong natapos ang proyekto at gumastos ng P2.5 bilyon, bakit hanggang ngayon ay parang ilog pa rin ang kalsada tuwing umuulan? Dapat nating tanungin: epektibo ba itong flood control project, o may ibang interes itong pinagsilbihan?” pahayag ni Rep. Santos.
Ang Las Piñas ay may dalawang pangunahing ilog: ang 12.6 kilometrong Las Piñas River at ang 18.3 kilometrong Zapote River. Ang dalawang ito ay magkaugnay at pinaghahatian ang 25.1 kilometrong mga sanga o tributaries.
Sa paglipas ng panahon, naging tapunan ng basura at dumi ang mga ilog na ito dahil sa kapabayaan, kawalan ng disiplina, at hindi maayos na pangangasiwa.
Ang proyekto ay sinimulan noong 2012 sa inisyatiba ni Sen. Cynthia Villar, ipinatupad ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa ilalim ni dating Kalihim Mark Villar, at sinuportahan ni dating Las Piñas Rep. Camille Villar.
Ngunit sa kabila ng dekadang implementasyon at multi-bilyong pondo, patuloy pa ring nagdurusa sa pagbaha ang mga komunidad sa paligid ng Las Piñas at Zapote River. Nitong Martes, muling tumaas ang tubig at lumubog sa baha ang mga kabahayan at sasakyan sa Brgy. Pulanglupa Dos, na nagdulot ng matinding abala at panganib sa mga residente.
Lumutang din ang mga tanong mula sa publiko: bakit itinayo ang mga kalsada nang napakalalim, at bakit tila walang konektadong paliwanag sa mga proyektong gaya ng Manila Bay reclamation at iba pang inisyatiba ng mga personalidad sa likod ng proyekto?
Ayon sa mga ulat ng motorista at residente, kapansin-pansin ang mga blind spot at makikitid na daan sa loob ng River Drive na hindi sumusunod sa standard na disenyo para sa kaligtasan. Ang ganitong mga detalye, ayon kay Santos, ay nagpapalakas sa panawagan para sa masusing imbestigasyon.
Plano ni Rep. Santos na ihain sa Kamara ang resolusyon para sa imbestigasyon, kabilang ang pagsusuri ng mga ulat ng Commission on Audit (COA), pagdinig kasama ang DPWH at iba pang ahensya, at konsultasyon sa mga apektadong residente.
“Ang ganitong kalaking proyekto ay nangangailangan ng transparency at pananagutan. Bawat pisong galing sa kaban ng bayan ay dapat nagsisilbi para sa kapakanan ng mamamayan, hindi para sa negosyo o personal na interes,” giit ni Santos.
Kasabay ng imbestigasyon, inihahanda na rin ng tanggapan ni Santos ang pagpapatupad ng Comprehensive Flood Management Plan na kinabibilangan ng flood mapping, river rehabilitation, drainage modernization, at community-based anti-flood campaigns.
“Hindi sapat ang proyekto kung wala itong konkretong resulta. Ang tunay na layunin ay ang kaligtasan ng mamamayan. Ang pagbaha ay hindi lang usaping imprastruktura—ito ay usapin ng pananagutan, pamumuno, at pagkilos,” pagtatapos ni Rep. Santos. (Cesar Barquilla)