Advertisers
Naaresto ang tatlong lalaki sa magkakahiwalay na buy-bust operations sa Caloocan, Malabon, at Valenzuela, kung saan nasabat ang mahigit P182,000 halaga ng shabu.
Ayon sa ulat ng Northern Police District (NPD), nasa 26.9 gramo ng shabu ang kabuuang nakumpiska mula sa mga suspek sa mga operasyon na isinagawa nitong Biyernes at Sabado.
Sa Barangay Karuhatan, Valenzuela City, naaresto ang 38-anyos na high-value target na si alyas “JR” 12:30 ng madaling araw ng Sabado, Agosto 2.
Ayon sa pulisya, isinagawa ang operasyon matapos makipagtransaksyon si JR sa isang undercover operative. Nakuha mula sa kanya ang tatlong sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang 25 gramo at nagkakahalaga ng P170,000. Nakuha rin sa suspek ang marked money, isang itim na coin purse, at drug paraphernalia.
Kakaharapin niya ang kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Sa Malabon City, inaresto naman si alyas “Noneng,” 38-anyos na jeepney barker, sa Barangay San Agustin noong Biyernes ng gabi.
Nasamsam sa kanya ang 0.5 gramo ng hinihinalang shabu na may halagang P3,400.
Samantala, sa Barangay 178, Caloocan City, dinakip si alyas “Joie,” isang 33-anyos na construction worker, dakong 1:45 a.m. ng Sabado matapos ireklamo ng pagwawala habang may dalang kutsilyo.
Nang kapkapan ng mga pulis, nakuha sa kanya ang isang butterfly knife at sachet ng shabu na may bigat na 1.4 gramo at halagang P9,520.
Kasulukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang mga suspek at isinasailalim sa inquest proceedings.
Pinuri ni Police Brig. Gen. Jerry Protacio, acting district director ng NPD, ang mga operasyon at muling iginiit ang determinasyon ng ahensiya laban sa droga.(Beth Samson)