GREEN LANE CLEARANCE SCANNING SA NAIA ARRIVAL, SINUSPINDI NI BOC COMM. NEPOMUCENO
Advertisers
Inanunsiyo ni Bureau of Customs (BOC) Commissioner Ariel Nepomuceno ang pansamantalang suspensyon ng Clearance Procedure sa ilalim ng Green Lane mula Agosto 14, 2025, upang maging mas simple at mabilis ang customs clearance para sa mga manlalakbay sa mga airport terminal ng bansa.
Ipinaliwanag ni Nepomuceno na sa kasalukuyan, ang mga dumarating na pasahero ay pinagrerehistro sa ETravel App at gumagawa ng Customs Declaration form bago dumating sa bansa at sa pamamagitan ng QR Code ay nakikita kung meron o walang dapat ideklara ang pasahero na anumang bagay na dala niya na bawal o me kailangang bayarang buwis.
Ang mga may dapat na ideklara ay mapupunta sa Red Lane (Something to Declare) at ang wala ay sa Green Lane naman o Nothing to Declare.
Simula Agosto 14, ang mga Green Lanepassengers ay hindi na kailangang mag-prisinta ng QR codes. ‘Yung mga nasa Red Lane at mga napili sa random, rasonable o intelligence-based assessments ay dadaan pa rin sa QR Code scanning at standard customs clearance process.
Ayon kay Nepomuceno, ang bagong sistema ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na gawing mas mabilis at maayos ang paglalakbay, lalo na ng ating mga kababayan.
Personal na umikot si Nepomuceno sa arrival area ng NAIA upang matukoy ang mga bahagi nito na maari pang mapagbuti. Siya ay sinamahan ng kanyang tagapagsalita na si Atty. Chris Noel Bendijo, NAIA arrival operations division chief Belinda Copioso, deputy collector for passenger services Karen Susan Rofes, assistant deputy for passenger services Dr. Mark Jhon Almase at deputy commissioner-IAG Michael Fermin at assistant Commissioner-ACP Atty. Vincent Philip Maronilla.
Dumalo din sa isinagawang press conference sa arrival lobby area sina New NAIA Infrastructure Corp. (NNIC) general manager Lito Alvarez at NNIC officers Cesar Chiong at Tetet Gaerlan at public affairs officer Connie Bungag ng MIAA.
Ani Nepomuceno, nais niyang maging ‘traveler-friendly and security-focused’ kasabay ng pagtitiyak na luluwag ang arrival areas at magiging mas maayos ang travel experience ng mga pasahero. (JERRY S. TAN)