Advertisers

Advertisers

KAHIT MAY BASEHAN

0 49

Advertisers

MARAMI na ang tila nabingi sa panukalang pagbibitiw sa kani-kaniyang trono mula Malakanyang hanggang sa dalawang Kapulungan ng Kongreso.

Ang tugon ng karamihan ay paglabag sa Konstitusyon ang pagsasagawa ng Snap Elections kung sakaling magbitiw ang mga inihalal ng taumbayan tulad noong naganap sa panahon ng administrasyong Marcos Sr.

Mayroon naman nagsabi na yung nagpanukala na lang ang magbitiw sa kanyang trono kung naniniwala siya na ito ang wastong tugon sa galit ng taumbayan dahil sa malawakang pandarambong sa kaban ng bayan.

Ang totoo niyan ay palundag sa patag ika nga ng mga kababayan natin sa Batangas ang naturang panukala na umalog sa bahay-utak ng mga mandarambong dahil hindi naman ubra ang ganito batay sa ating Konstitusyon.

Pero may mga magbibitiw kaya sa trono kung may legal na basehan ang naturang panukala upang bigyang muli ng pagkakataon ang taumbayan na maghalal ng mga personalidad na angkop sa kanilang panlasa kontra pandarambong? Sa tingin ko ay wala, iyak na lang ang taumbayan!

* * *

Ilang beses nang ipinanawagan ng ilang sektor ng ating lipunan na isapubliko ang ginagawang imbestigasyon ng Independent Commission on Infrastructure (ICI) upang malaman ng taumbayan ang mga kaganapan sa loob.

Nasanay kasi ang taumbayan na tuwing mayroon imbestigasyon o pagdinig ang dalawang Kongreso ay napapanood nila ang mga kaganapan pagkatapos ay kanya-kanya nang konklusiyon kung sino ang tama at kung sino ang nagsisinungaling etsetera letsetera.

Marami raw ang naniniwala na tama lang na isapubliko ang imbestigasyon subalit desidido ang ICI na manatiling sagrado at sarado ang kanilang aktibidad. Nagkakaroon tuloy ng duda na posibleng mabahiran ito ng katarantaduhan lalo’t sangkot ang maraming opisyal ng gobyerno.

Huwag na sana tayong magulat sa desisyon na ito ng ICI habang ang namumuno ay isang retiradong ‘Justice’ dahil ganito ang galawan sa loob ng hukuman lalo sa Korte Suprema na limitado ang kanilang kilos upang hindi mabahiran ng opinyon ng taumbayan ang kalalabasan ng kanilang desisyon.

Sana lang naman… kung mananatiling sarado sa taumbayan ang imbestigasyon ng ICI ay walang mabuo na ika nga e ‘back door’ kung saan doon posibleng maganap ang ‘mabuting usapan’ patungkol sa kanilang desisyon.