Advertisers
Pinasinayaan ng Pamahalaang Lungsod ng Las Piñas sa pangunguna ni Mayor April Aguilar ang Dredging and Desilting Project sa kahabaan ng Ilog ng Las Piñas at Zapote malapit sa C5 Extension, Barangay Pulanglupa Uno, katuwang ang San Miguel Corporation (SMC) sa ilalim ng kanilang Better Rivers PH program.
Layunin ng proyekto na mapabuti ang daloy ng tubig, mapigilan ang pagbaha, maibalik ang balanse ng kalikasan, at maisulong ang pangmatagalang rehabilitasyon ng ilog. Bahagi rin ng mga gawaing ito ang pagpapataas ng kalidad ng tubig, pagpapanumbalik ng natural na agos ng ilog, at pagsuporta sa pangmatagalang solid waste management at rehabilitation programs ng Las Piñas.
Nagpahayag ng pasasalamat si Mayor Aguilar sa San Miguel Corp. sa patuloy na pagtulong sa mga programang pangkalikasan at pangkatiwasayan ng lungsod.
“Ang pakikipagtulungan na ito sa SMC ay patunay ng ating sama-samang layunin na pangalagaan ang ating mga daluyan ng tubig, bawasan ang pagbaha, at tiyakin ang kaligtasan ng ating mga residente,” ani Mayor Aguilar. “Ito ay isang hakbang tungo sa mas malinis, mas ligtas, at mas matatag na Las Piñas.”
Samantala, pinuri naman ni Las Piñas Rep. Mark Anthony Santos ang proyekto bilang isang halimbawa ng matagumpay na pagtutulungan ng pamahalaan at pribadong sektor upang makamit ang pangmatagalang solusyon sa problema ng pagbaha.
“Matagal nang suliranin ang pagbaha sa ating mga komunidad. Sa proyektong ito, hindi lang natin nililinis ang ilog—tinutugunan natin ang ugat ng problema,” ani Rep. Santos.“Nagpapasalamat tayo sa SMC sa kanilang matatag na pakikiisa para sa isang mas maunlad at ligtas na Las Piñas.”
Ang Better Rivers PH ay bahagi ng pambansang programa ng SMC na naglalayong marehabilitate ang mga pangunahing ilog, mapabuti ang daloy ng tubig, at maiwasan ang pagbaha sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
“Sa proyektong ito, hindi lang tayo nagde-dredge ng ilog—binubuo natin muli ang mga komunidad at pinangangalagaan ang buhay ng ating mga kababayan,” dagdag ni Rep. Santos. (Cesar Barquilla)