Advertisers
NASAWI ang isang pulis at sugatan ang isang drug dealer sa entrapment operation na nauwi sa palitan nila ng mga putok nang aarestuhin na ang mga target sa Hadji Mohammad Ajul, Basilan nitong Martes, November 25
Kinumpirma nitong Miyerkules ng mga opisyal ng Basilan Provincial Police Office at ni Brigadier General Jaysen De Guzman, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, ang pagkasawi sa operation ni Chief Master Sgt. Jilhem Elmen, na nabaril ng isa sa mga nabilhan nila ng shabu nang mahalatang mga pulis ang kanilang ka-transaksyon.
Target ng operation sa Barangay Seronggon nila Elmen, kasapi ng Provincial Drug Enforcement Unit sa Basilan, at mga operatiba ng iba’t ibang units ng PRO-BAR ang apat na shabu dealers na pinamumunuan ni Hamid Idarus, kilalalang sangkot sa malakihang bentahan ng shabu sa probinsya.
Nakatakas si Idarus nang magkaputukan, ngunit naigupo at naaresto ang kanyang taga-deliver ng shabu, si Ridzmar Awwalun Muhammad, ngayo’y nakapiit sa isang police detention facility.
Isang kasama ni Idarus na nagtamo ng mga tama ng bala ang nakatakas, ayon sa barangay at municipal officials sa Hadji Mohammad Ajul.
Ayon kay De Guzman, Si Elmen, kilalang masipag sa pagpapatupad ng tungkulin bilang isang pulis at aktibo sa kanilang police-community relations projects, ay dead on arrival sa Lamitan City District Hospital.
Agad na inilibing ng mga kamag-anak ang labi ni Elmen sa isang barangay sa Maluso, isa sa 11 bayan sa Basilan, ayon sa tradisyon ng mga Muslim na dapat maili-bing ang patay sa loob ng 24 oras.