Advertisers

Advertisers

BOC nagtala ng pinakamataas na First Quarter Collection na P239.05B

0 5

Advertisers

Inanunsyo ni Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno nitong Lunes na naitala ng Bureau of Customs (BOC) ang pinakamataas nitong first-quarter revenue collection sa kasaysayan, matapos makalikom ng P239.054 bilyon sa unang tatlong buwan ng 2026 upang suportahan ang mga programa ng pamahalaan at pambansang kaunlaran.

Ang matatag na performance ng Bureau ay naglagay sa first quarter ng 2026 bilang isa sa pinakamalalakas na panahon nito, na nalampasan lamang ng koleksyon noong Hulyo hanggang Setyembre 2025, isang record-breaking period din sa ilalim ng kasalukuyang pamunuan. Ipinapakita nito ang tuloy-tuloy na lakas ng koleksyon dahil sa pinaigting na reporma at mas matibay na pamamahala.



Batay sa paunang datos, nalampasan ng BOC ang target nitong P236.060 bilyon para Enero hanggang Marso 2026 ng P2.994 bilyon, o 1.3% higit sa target. Tumaas din ang koleksyon ng P7.677 bilyon, o 3.3% kumpara sa kaparehong panahon noong 2025.

Pinatitibay ng tagumpay na ito ang pagsunod ng Bureau sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., at sa mga prayoridad sa pananalapi ni Finance Secretary Frederick D. Go na palakasin ang revenue generation habang pinangangalagaan ang transparency at accountability.



Binigyang-diin ni Commissioner Nepomuceno na pinatutunayan ng performance ng Bureau na magkaugnay ang mabuting pamamahala at matibay na koleksyon ng kita.

“Ang pinakamataas nating first-quarter collection na P239.054 bilyon, kasama ang P2.994 bilyong surplus, ay patunay na ang integridad, accountability, at modernisasyon ay hindi hadlang sa performance—sila mismo ang dahilan kung bakit natin ito naaabot. Sa BOC, pinapatunayan natin na kapag maayos ang sistema at tapat ang serbisyo, tumataas ang koleksyon para sa bayan,” ani Nepomuceno.



Nagpasalamat din siya sa mga kawani ng Bureau of Customs: “Ipinapaabot ko ang taos-pusong pasasalamat sa ating mga lingkod sa BOC na nagsumikap para makamit ang tagumpay na ito. Maraming salamat sa inyong patuloy na paglilingkod—your commitment to efficient and honest collection ensures that every peso truly serves the Filipino people.”

Iniuugnay ng BOC ang matatag nitong performance sa kolektibong pagsisikap ng mga pantalan at subport sa buong bansa, na patuloy na sinisiguro ang episyente at legal na pagkolekta ng buwis at taripa.

Kabilang sa mga pangunahing nag-ambag sa pagtaas ng koleksyon ay ang matagumpay na public auctions ng mga nakumpiskang kalakal, partikular na ang mga smuggled high-end vehicles na ginagawang kita para sa publiko, at ang pinalakas na post-clearance audit operations na tumutulong para masigurong sumusunod ang mga importer sa customs laws at tama ang binabayarang duties and taxes.

Sentro ng mga repormang ito ang Integrity, Accountability, and Modernization (IAM) Program ng BOC na nagtataguyod ng mas maayos na operasyon, mas mataas na transparency, at kultura ng propesyonalismo at serbisyo sa hanay ng mga kawani.

Sa matatag nitong performance ngayong unang quarter, patuloy na umuusad ang Bureau of Customs bilang isang moderno, responsive, at resulta-oriented na institusyon—patunay na ang prinsipyadong pamamahala ay kayang maghatid ng tunay at nasusukat na benepisyo para sa sambayanang Pilipino.(BP)