Advertisers

Advertisers

SEN. ERWIN TULFO , NAGPASALAMAT MULI SA OMAN SA TULONG SA GITNA NG MIDDLE EAST CRISIS

0 6

Advertisers

PERSONAL na muling pinasalamatan ni Senate Foreign Relations Committee Chairman Senator Erwin Tulfo si Oman Ambassador Abdullah Al Manwari dahil sa walang sawang pagtulong ng naturang bansa sa Pilipinas, sa gitna ng nagpapatuloy na krisis sa Middle East.

Sa kanyang pagbisita sa Oman Embassy nitong Lunes, muling ipinahayag ni Sen. Tulfo ang pasasalamat sa Sultanate sa pagsisilbi nitong ligtas na daanan para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na sumailalim sa repatriation.

“Salamat sa inyong patuloy na suporta. Ang ilan sa mga OFW, kapag lumalabas sila, sa Oman sila dumadaan,” pahayag ng Senador.

Binigyang-diin din ni Sen. Tulfo na ang Oman ay naging isang tunay maaasahang partner ng Pilipinas lalo na sa panahon ng krisis, gaya noong tumulong ito para mapalaya ang 17 Pinoy seafarers na binihag ng mga Houthi sa Yemen noong nakaraang taon.

Sa nasabing pagbisita, kinuha na rin ni Sen. Erwin ang pagkakataon na tingnan ang posibleng government-to-government transaction para sa karagdagang suplay ng langis mula sa Oman.

“Sakaling humaba pa ang giyerang ito, sana ay matutulungan niyo kaming mapalakas ang aming oil reserves. Hihiling kami sa pamamagitan ng tamang channels ng gobyerno—ang Departments of Foreign Affairs at Energy,” ani Tulfo.

Samantala, bilang tugon ay sinabi ni Al Manwari na bagama’t handa silang tumulong sa Pilipinas, kailangan pa rin nilang kumpirmahin sa kanilang kaukulang ministry kung paano makakapagbigay ng tulong ang Oman sa Pilipinas pagdating sa suplay ng langis.

Muling tiniyak ng Omani Ambassador na si Tulfo at ang Pilipinas ay itinuturing na “Friends of Oman” at ang Sultanate ay lagi umanong handang mag-abot ng tulong.

Kapwa nagpahayag sina Tulfo at Al Manwari ng kanilang pagnanais para sa agarang kapayapaan na epektibong magpapatigil sa mga krisis sa buong mundo. (JERRY S. TAN)