Advertisers

Advertisers

BATANGAS CITY, ROLE MODEL

0 1,155

Advertisers

KUNG nagawa sa Batangas City na mapagtibay ang ordinansa laban sa illegal gambling, ay bakit hindi din magawa sa ibang mga siyudad at bayan, maging sa buong bansa.

Sa bisa ng Resolution No. 22-217 na pinagtibay noong April 2024 ay inaksyunan ng Batangas City Sangguniang Panlungsod ang garapalang ilegal na pagpapasugal, partikular ang Drop Ball, 6/8 at Color Games sa mga peryahan.

PNP Region 4A Director BGen. Hansel Marantan at Batangas City Police Chief LtCol. Ira Morello

Kung bawal ang Drop Ball, 6/8 at Color Games, lalong bawal ang madayang didal at beto-beto na ipinagbabanduhan sa mga tradisyunal na peryahan. Kalimitan ay prente din ng bentahan ng droga lalo ang shabu na pinagkakakitaan ng limpak-limpak na salapi ng mga drug pusher sa mga naturang pasugalan (pergalan).

Saludo ang SIKRETA kay Konsehal Armando C. Lazarte na nagpanukala ng ordinansa na sinang-ayunan ng buong Kapulungan. Kudos din sa lahat na mga SP Kagawad, ABC President at SK Chairman ng Batangas City at higit sa lahat kay Batangas City Mayor Marvey Mariño. Hindi sana mauwi sa ningas-kugon ang pagpapatupad ng naturang ordinansa.

Napapanahon na ding aksyunan ng Konseho ng Batangas City ang lantarang operasyon ng Oil and Petroleum Smuggling at Pilferage o Paihi/Buriki sa naturang lungsod. Ayaw ni Mayor Mariño at ng kanyang maybahay na si Batangas Fifth District Rep. Beverley Rose Dimacuha-Mariño sa operasyon ng mga smuggler at magpapaihi/ magbuburiki sa kanilang lungsod.

Upang matiyak na di mananatili ang operasyon ng mga sindikato at paihi/buriki sa siyudad ay kailangang lipulin na nina Mayor Mariño at Rep. Beverley Rose ang dalawang kuta ng paihi/buriki sa Brgy. Banaba West, isa dito ay nasa tapat ng Integrated School.

Notoryus sa pagbibigay ng “pabagsak” ang mga lider ng naturang sindikato na kinilalang sina alyas Medic Ferrer, Egay, Manny at alyas Kernel Lakay na nagpapakilala din sa alyas LtCol. Jj Cruz. Nakagpagdududa ang hindi pag aksyon ng school District Superintendent, principal, Parent Teachers Association ng naturang eskwelahan at maging ng barangay chairman sa posibleng perwisyo at panganib na operasyon ng mga naturang ilegalista. Hindi naman kaya namamantikaan sila?

May kuta din ang mga naturang ilegalista malapit sa Brgy. Guinhawa Elementary School sa bayan ni Tuy Mayor Jose Jeccerel Cerrado.

Nag-ooperate naman ang isang alyas Balita sa hurisdiksyon ni Brgy. Simlong Chairman Rufo Caraig. Sina Batangas PNP Provincial Director Col. Marlon Rufo, Batangas City Police Chief LtCol. Ira Morello, Brgy. Simlong Chairman Caraig at Tuy Police Chief Major Roy Cuevas lang yata ang hindi “nakakadamo” sa naturang mga ilegal na aktibidad?

Sa lalawigan pa lamang ni Batangas Gov. Vilma Santos- Recto ay may 50 ilegal na pasugalan sa anyo ng peryahan o carnival ang nagsisipag-operate. Sangkatutak ng ganitong pasugalan mayroon sa Area of Responsibility (AOR) ni PNP Region 4A Director BGen. Hansel Marantan.

Nasaan na ang kampanya ni General laban sa illegal gambling, smuggling, pilferage/paihi/buriki at iba pang uri ng kriminalidad? May karugtong…

***

Para sa komento: Cp.# 0966 406 6144