Advertisers

Advertisers

Pagbulabog sa kalsada isang pagdisiplina para sa pagbabago at seguridad

0 3

Advertisers

Sa dalawang magkasunod na gabi ng operasyon nitong Lunes at Martes ng Quezon City Police District sa ilalim ng pamumuno ni PBGen. Randy Glenn Silvio, malinaw na may mensaheng nais na iparating ang pulisya – ang kalsada ay para sa publiko, hindi para sa mga pasaway.

Sa pagkahuli ng 1,000 indibidwal sa loob lamang ng 48 oras, muling nabuksan ang usapin tungkol sa disiplina. Ang kampanyang “Safer Quezon City” ay hindi lamang basta pagpapakita ng puwersa kundi ito ay tugon din sa direktiba ni DILG Secretary Juanito Victor Remulla – ang linisin ang mga lansangan mula sa mga gawaing madalas pagmulan ng krimen—lalo na ang pag-inom ng alak sa pampublikong lugar.

Sa totoo lang naman, hindi maitatanggi na ang alak sa kanto ang kadalasan mitsa ng maraming gulo. Kaya sa pagbabawal ng inuman sa kalsada, hindi lang katahimikan ang ibinibigay ng QCPD sa mga residente, binabawasan din nila ang tsansa ng mga away-kalye, aksidente, at ingay na dulot ng walang habas na videoke.

Nang hulihin ang 60 katao sa unang gabi dahil sa pag-inom sa kalsada, at nasundan pa ito ng mga operasyon sa Brgy. Batasan Hills at Novaliches, ipinakita ng QCPD na seryoso sila sa kautusan ng DILG. ‘Ika nga naman, ipadama sa publiko na may pangil ang batas na dapat nararamdaman sa bawat kanto.

Ang paghuli sa daan-daang lalaking nakayagpag (half-naked) ay paalala na ang bawat mamamayan ay may responsibilidad na magpakita ng respeto sa kanyang komunidad. Habang ang halos 200 na mga menor de edad na lumabag sa curfew ay hindi agad pinarusahan, kundi dinala sa Barangay Council for the Protection of Children (BCPC) na masasabing isang matalinong hakbang—ang disiplina ay dapat magsimula sa paggabay, hindi sa pananakot.

Samantala, ang koleksyon naman na aabot sa P473,000.00 mula sa mga multa ay malaking halaga, pero ang tunay na tagumpay ay hindi nasusukat sa pera. Ang tunay na hamon ay ang consistency o ang pagpapatuloy ng ganitong higpit.

Madalas na ang mga ganitong “Oplan” ay mainit sa simula, ngunit lumalamig din kalaunan. Kaya upang maging tunay na ligtas ang Quezon City, kailangang maging bahagi na ng araw-araw na kultura ang disiplinang ito.

Kunsabay, bago pa man nagpalabas ng direktiba ang DILG kaugnay sa paglilinis sa mga lasangan laban sa mga nag-iinuman sa kanto, ay gabi-gabi nang nagsasagawa ng Oplan Bulabog ang QCPD upang maseguro ang seguridad ng milyong QCitizen at mapanatili ang kaayusan at katahimikan ng Kyusi dahilan naman upang bumaba ang krimen sa lungsod.