Advertisers
Natangayan ng mahigit P1 milyong halaga ng ari-arian ang 69-anyos na lola at da-lawa niyang apo nang mabiktima ng grupong gumagamit ng tinatawag na “birthday cake modus” sa Barangay San Bartolome, Novaliches, Quezon City noong Martes, Abril 7.
Batay sa salaysay ng mga biktima sa pulisya, nagsimula ang modus nang mag-doorbell ang dalawang babae na may dalang birthday cake at nagpanggap na mula sa lokal na pamahalaan at may dala pang regalo.
Dahil sa husay ng mga ito sa pakikipag-usap, nakuha nila ang tiwala ng lola at nakapasok sa bahay, at biglang sumugod ang apat pang lalaking kasabwat at iginapos at tinakot ang mga biktima.
“Nagtataka rin ‘yung mga apo niya kung bakit napapasok ng lola ‘yung dalawang babae. Siguro sa tagal na nilang ginagawa ito, magaling narin sila makipag-usap. Binantaan sila, babarilin sila, papatayin sila,” ani Lt. Col. Dave Anthony Capurcos, hepe ng Quezon City Police District (QCPD) Station 4.
Halos dalawang oras hinalughog ng mga salarin ang bahay. Nakuha pa nilang kumain bago tumakas tangay ang pulang kotse ng pamilya, 2 motorsiklo, at malaking halaga ng cash.
Sa follow-up operation, natukoy ng pulisya na isang inarkilang puting multi-purpose vehicle o MPV ang ginamit ng mga salarin bilang getaway vehicle. Matapos itong isauli sa car rental, sinasabing humiram pa ang grupo ng ibang sasakyan upang iligaw ang mga awtoridad.
“Pagkarating na pagkarating [sa car rental], nagpalit kaagad ng sasakyan. Unang ni-rent nila ‘yung Innova para sa swimming sana nila ng barkada. Then pagkatapos ng krimen, sinabi nila na kumonti ang sumama kaya kailangan magpalit ng Vios,” dagdag ni Capurcos.
Sa tulong ng GPS ng kotse at mga kuha ng CCTV, naharang ng mga awtoridad ang sasakyan sa bahagi ng Litex, Commonwealth.
Arestado ang 37-anyos na driver, at narekober sa sasakyan ang ilan sa mga ninakaw na gamit at isang baril na walang dokumento. Iginiit ng salarin na nayaya lamang siyang magmaneho ng mga “bagong kaibigan.”
“Tropa-tropa, kaibigan-kaibi-gan, ikaw na mag-drive… ID mo na ‘yung gamitin. Hindi ko alam na may modus na ganoon. Sana sumuko sila sa ginawa nilang katarantaduhan kasi ako ang kawawa, eh,” pahayag ng driver.
Nasampahan na ng kasong Robbery, Carnapping, at Illegal Possession of Firearms ang driver habang patuloy na tinutugis ang lima pa niyang kasamahan.
Muli namang nagpaalala ang pulisya, lalo na sa mga senior citizen, na huwag basta magpapasok ng sinuman sa bahay kahit may dalang regalo at tiyaking beripikado muna sa barangay o senior citizen coordinator ng LGU ang sinumang nagpapakilalang konektado sa gobyerno.