PASAHERONG NAKAIWAN NG GINTONG PULSERAS, ISINAULI NG SECURITY SCREENING OFFICER SA BOHOL- PANGLAO AIRPORT
Advertisers
ISINAULI ng isang Security Screening Officer (SSO) mula sa Office for Transportation Security (OTS) sa Bohol-Panglao International Airport ang isang gintong pulseras na naiwan ng isang pasahero patungong Maynila noong Abril 7, 2026.
Ayon sa ulat, napansin ni SSO Exequel Llorente ang isang pulseras sa sahig malapit sa final checkpoint ng airport security na hindi sinasadyang nahulog ng isang paalis na pasahero.
Kinuha ng empleyado ang pulseras at iniulat sa kanyang supervisor na agad na nakipag-ugnayan sa airport paging system sa pagsisikap na mahanap ang may-ari.
Pagkatapos ng ilang anunsyo, lumapit ang isang pasahero sa ilang SSO upang kunin ang pulseras.
Matapos kumpirmahin sa pamamagitan ng karaniwang proseso ng beripikasyon ay ibinalik ang alahas sa tunay na may-ari nito.
Nagpahayag ng pasasalamat ang pasahero kay SSO Llorente at sa buong pangkat ng OTS para sa kanilang katapatan at agarang tulong.
Binigyang-diin ni OTS Administrator Undersecretary Gilberto DC Cruz ang pangako ng ahensya sa integridad at pinakamataas na pamantayan ng serbisyo publiko.
Aniya, maaaring maliit na bagay ito, ngunit ang ganitong pagkakataon ay maaaring positibong makakaapekto sa tiwala ng publiko sa kanilang serbisyo. (JOJO SADIWA)