Advertisers
NASAWI ang isang dating konsehal ng Isabela, Negros Occidental nang pagbabarilin sa bayan ng Binalbagan nitong Martes, habang sinisilip ng pulisya na posibleng may kinalaman sa isyu ng land grabbing ang pamamaslang.
Kinilala ang biktima na si Rodulfo Fajardo, 72 anyos.
Ayon kay Police Regional Office in Negros Island Region spokesperson Lt. Col. Joem Malong, ilang beses binaril si Fajardo at apat na suspek ang tinutumbok sa imbestigasyon.
“Binaril si Fajardo multiple times. Accordingly, apat ang suspects natin. About sa land grabbing,” ani Malong.
Batay sa paunang imbestigasyon, nakaupo si Fajardo sa kanyang motorsiklo sa Barangay Payao, Binalbagan habang binibisita ang isang ari-ariang kanyang pinauupahan nang pagbabarilin ito ng mga lalaking nakasuot ng bonnet.
Sa isang opisyal na pahayag, inako ng Romeo Nanta Command – New People’s Army South Central Negros Guerrilla Front ang krimen. Inakusahan ng grupo si Fajardo na umano’y sangkot sa land grabbing at iba pang krimen.
Nagsilbi si Fajardo bilang konsehal ng Isabela mula 2019 hanggang 2022, at naging barangay captain din mula 2014 hanggang 2018.