Advertisers

Advertisers

WALANG MALASAKIT SA SAKADA

0 4

Advertisers

Hindi makita ang malasakit ng Sugar Regulatory Authority (SRA) sa mga magsasaka ng tubo sa bansa sa nasilip na kadahilan, tuwina sa paglalabas ng kautusan sa pag-aangkat ng asukal mula sa ibang bansa sa panahon ng tag-ani ng tubo. Hindi mabatid kung bakit nagaganap ang paglabas ng kautusan sa panahon na dadagsa ang asukal mula sa sakahan patungo sa gilingan, sa mga pamilihan na naglalagay sa alanganin sa presyo ng produktong banggit. Ilang ulit na naganap ang paglalabas ng kautusan sa pag-aangkat ng asukal sa ibang bansa at sa tuwinang nariyan ang ani ng mga sakada. Na dahilan sa pagbagsak sa presyo ng ani ng ating mga sakada o may kinikilingan ang SRA, ang mga negosyante. Walang kabatiran ang mga magsasaka ng tubo sa lumalabas na kautusan ng ahensiya subalit tuwiran na nagpapabagsak sa kabuhayan ng mga sakadang hirap sa paglilinang ng mga sakahan ng tubo habang ang mga taga-SRA nasa silid na may kalamigan na naghihintay ng biyaya.

Mainam balikan ang nakaraan, sa pagpasok ng kasalukuyang pamahalaan ang usapin ng asukal sa bansa ang isa sa unang usaping hinaharap. Sa totoo lang, hindi na solusyon ang usapin ng asukal at tila pinatay usapin sa pagtangan sa mga lalabas na balita hinggil sa usapin. Sa totoo pa rin, nasayaran ng dumi ang kamay ng unang ginang sa usapin ng asukal sa panahon na pumasok ang administrasyon gayung ang asawa ang naging pansamantalang kalihim. Bilang pabango, ipinasok ang dating may katandaang USEC sa Kagawaran ng Sakahan na tumutok sa usaping nasa harap. Sa pagkakabatid, walang naganap na pag-aayos sa pag-aangkat ng asukal na dahilan na nasampahan ang USEC ng kaso sa Ombudsman at ang namumuno sa SRA.

Sa pagninilay, ‘di matanggap na ang ahensiya ng pamahalaan na umalalay sa industriya ng asukal ang tila kalbaryo ng mga sakada. Masasabi na may kinikilingan ang SRA sa pagtatakda ng kautusan o sabihing walang kabatiran sa usapin ng asukal sa bansa, hehehe. Ang pagtatakda sa kautusan, lumalabas sa panahon ng tag-ani na tuwirang ‘di paglilingkod sa tao sa laylayan. Sa panahon na sana’y pakinabang ng mga sakada sa produktong nilinang ay nauuwi sa wala. Muli galit ba ang SRA sa mga sakada o ganap na may kinikilingan? O’ may utos na ‘di mahindian ng mapilitan ang mga sakada na ipagbili ang ani sa mababang halaga. Sa totoo lang, ‘di inaalis ang paglalabas ng kautusan sa pag-aangkat, ngunit ‘di sa panahon ng anihan ng tubo sa mga sakahan ng ‘di maapektuhan ang halaga ng ani ng mga magsasaka ng tubuhan.

Sa kaganapang banggit, malinaw na dapat bumaba ang SRA sa hanay ng sakada at alamin ang kaayusan sa baba ng sakahan at ang kalagayan ng mga sakada. Ang pagbatid sa kalagayan ng mga sakada’y unang hakbang ng magagap ng mga opisyal ng SRA ang dinadanas ng mga sakada. At ang tamang hakbang sa paglalabas ng kautusan na aangkop sa industriya ng asukal at sa mga sakadang daan taon ng ‘di makahulagpos sa kahirapan. Ang mabatid ang kalagayan ng lumilinang ng sakahan ang magmumulat sa mata ng mga opisyal na maglabas ng kautusan na sapat sa sakada at ‘di maduduhagi ang mga negosyante at mamimili. Walang pagkiling ang matuwid at makatarungan sa lahat sa industriya ng asukal ang ibig maganap ng may-ari ang pag-unlad na para sa lahat at ‘di sa iilan.

Sa totoo lang, mababatid sa pagbaba ang mga bagay na basehan ng mga kautusan na aakma sa industriya. Ang pagbatid sa kaayusan sa baba ay magbubunga ng komprehensibong pag-aaral na magiging batayan sa mga kautusang ilalabas ng SRA. Ang marinig ang panig ng mga sakada’y isang malaking hakbang na lalakipan ng mga pag-aaral na sasakto sa kagalingan ng industriya at ganap na pagsabay sa negosyo ng pag-aasukal sa mundo. Ang komprehensibong pag-aaral ang susing nakikita sa paglakas ng industriya ng asukal sa bansa na ‘di lang ang mga sakada ang makikinabang maging ang mga negosyante, ang pamahalaan at ang bayan.

Hindi kailangan ng patse-patseng paglutas sa mga usapin ng industriya ng asukal, kailangan na buo at makabuluhang pagbabago ang gawin ng umusad pasulong ang industriya ng asukal. Tapos na ang panahon na maging palaasa ang bansa sa pag-aangkat ng asukal na batid naman ang dahilan, ang pahinain ang tindig ng mga sakada sa presyuhan ng kanilang produkto. Ang ibig na pagbabago na namumutawi sa bibig ng pangulo’y dapat ramdam ng tao sa laylayan at ‘di sa iilan. Ang mga magsasaka’y matagal ng naghahanap ng tunay na pag-unlad na tila na may iilan ang pumipigil. Ang masakit maging ang mga ahensya ng pamahalaan ay nagpapagamit dahil sa karagdagang pakinabang.

Sa totoo lang, may katagalan ang usapin ng pag-aangkat ng asukal sa panahon ng anihan ng tubo na dahilan sa pagbagsak ng kabuhayan ng mga sakada. Tila walang puwang ang mga sakada sa puso ng mga namumuno sa Kagawaran ng Sakahan at sa SRA na tuwirang naglalabas ng kautusan sa panahon ng anihan. Hindi inaalis sa SRA ang poder sa paglalabas ng kautusan, at sa mga negosyante na kumita ang mga negosyante subalit huwag ilayo sa pandama na may pangangailangan din ang mga magsasaka ng tubo. Ang tamang presyo ng kanilang produkto ang tanging layon sa pagpapaabot ng usapin. Ang pagkiling ng SRA sa iilan ang higit na ikinaiirita higit sa‘di makatuwirang paglalabas ng kautusan sa salang panahon. Muli, walang kabatiran ang sakada sa mga kautusan at ang tanging gawa’y magpalaki’t anihin ang mga tubong bumubuhay sa pamilya. Sa totoo lang, ‘di naghahanap ng labis ang sakada ang kumita para sa pangangailanga’y sapat. At kadalasan na walang labis at laging may kulang.

Bilang panghuli, ibig ipabatid sa pamahalaan na ganap ang pagkakamali ng SRA sa mga kautusang inilalabas hinggil sa pag-aangkat ng asukal sa panahon na umaani o nag-aani ang mga magsasaka ng asukal. Malinaw na walang puwang sa mga opisyal ng SRA ang mga sakada at ‘di makita ang halaga ng ambag sa kabuhayan ng bansa. Komprehensibong programa sa negosyo ng asukal ang hanap na madadama ng mga magsasaka ng asukal at ng pamilya. Alamin ang kamalian ng mga namumuno sa SRA ang gawin at panagutin ang may sala ng ‘di pamarisan sa papalit na tatao sa ahensya.

Maraming salamat po!!!!