Advertisers
KINUMPIRMA ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na pinangalanan na ng umano’y bagman ni Vice President Sara Duterte na si Ramil Madriaga ang ilang mga kinontratang hitmen para isagawa ang umano’y assassiantion o kudeta laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sinabi ni Remulla, batay sa mga naging bahagi ng sinumpaang salaysay ni Madriaga na siyang isiniwalat sa naging pagdinig ng impeachment ni VP Sara sa House of Representatives, ang mga plano ng pagpatay sa Pangulo ay matagal na umanong option at inaasahan na lalabas pa ang ibang mga impormasyon hinggil dito sa mga iba pang testimoniya.
Ang naging mga pahayag naman na ito ni Madriaga ay mariin na itinanggi ng kampo ng Bise Presidente at tinawag na “pure fiction” at kulang sa ebidensiya ang mga ito.
Samantala, ipinapaubaya na ng Malakanyang sa National Bureau of Investigation (NBI) kung sisilipin nila ang mga pahayag na ito ni Madriaga.
Dagdag naman ni Remulla, palagi talagang mayroong banta sa seguridad ng Pangulo at hindi aniya ito mawawala ito man ay manggagaling sa kampo ng Bise o maging mula sa iba pang panig dahil na rin aniya sa sakop ng kaniyang trabaho bilang Punong Ehekutibo at lider ng bansa.