Advertisers

Advertisers

Beata Bridge delikado na, Isko at DPWH umaksyon agad!

0 6

Advertisers

Personal na pinangunahan ni Manipa Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso at Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Vince Dizon ang inspeksiyon sa Beata Bridge sa Pandacan, Maynila, bilang tugon sa tumitinding pangamba sa kaligtasan ng mga motorista at pedestrian na dumaraan sa naturang tulay nitong Miyerkules, Abril 29.

Sa isinagawang pag-iikot, mismong nakita ng dalawang opisyal ang kasalukuyang kalagayan ng tulay, kabilang ang pagkawala ng ilang steel railings na hinihinalang ninanakaw, kakulangan sa ilaw, at kawalan ng sapat na babala sa mga motorista.



Ayon sa mga ulat, ang mga nasabing problema, nagiging sanhi ng sunod-sunod na aksidente, lalo na sa gabi kung kailan limitado ang visibility sa lugar.

Dahil dito, iginiit ni Moreno ang agarang aksiyon mula sa DPWH, na aniya’y may responsibilidad na tiyakin ang maayos at ligtas na kondisyon ng mga pangunahing imprastraktura sa lungsod.



“DPWH listens to it, especially Secretary Dizon. We would like to thank the DPWH na tinugunan agad ang kaligtasan ng mga taga-Lungsod ng Maynila at sa mga dumarako rito,” pahayag ng alkalde, sabay-diin na hindi dapat ipagwalang-bahala ang mga ganitong sitwasyon na direktang nakakaapekto sa buhay ng publiko.

Kaagad namang tumugon si Dizon sa panawagan ng lokal na pamahalaan. Ayon sa kalihim, magsasagawa ang DPWH ng agarang pagkukumpuni sa tulay, kabilang ang pagwe-welding ng mga steel railings upang maiwasan ang pagnanakaw at mapanatili ang integridad ng estruktura.



Bukod dito, nakatakda ring maglagay ng reflectorized na pintura, karagdagang ilaw, at mga babala sa paligid ng tulay upang mapabuti ang visibility at maiwasan ang aksidente, partikular sa gabi at sa masamang panahon.

Tiniyak din ng DPWH na patuloy nilang babantayan ang kondisyon ng Beata Bridge at magsasagawa ng mga karagdagang hakbang kung kinakailangan upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.

Samantala, nanawagan si Moreno sa publiko na maging mapagmatyag at makiisa sa pangangalaga ng mga pampublikong pasilidad, kasabay ng paalala na ang anumang paninira o pagnanakaw ng bahagi ng imprastraktura ay may kaakibat na panganib sa kapwa.

Sa kabila ng mga natuklasang kakulangan, umaasa ang pamahalaang lungsod na sa pamamagitan ng mabilis na koordinasyon sa pagitan ng lokal na pamahalaan at DPWH ay agad na maibabalik sa ligtas at maayos na kondisyon ang Beata Bridge para sa kapakanan ng lahat.(BP)