Advertisers
Inilahad ni Manila City Mayor na si Francisco “Isko Moreno” Domagoso noong Miyerkules, Mayo 13, sa harap ng daan-daang lider at practitioner ng real estate sa ginanap na 30th NREA-DHSUD National Convention ng National Real Estate Association, ang modelo ng pabahay ng Maynila na nakatuon sa “in-city vertical housing,” kung saan libo-libong pamilya na umano ang natulungan at mas marami pa ang planong makinabang sa mga susunod na taon.
Ikinuwento ni Domagoso na nagsimula ang inspirasyon ng programa mula sa sarili niyang karanasan bilang dating iskwater sa Maynila. Ayon sa kanya, lumuwas mula Northern Samar ang kanyang ina upang maghanapbuhay bilang katulong sa Tondo at kalaunan ay nagtayo ng barung-barong sa isang lote sa kahabaan ng Road 10 malapit sa dulo ng Roxas Boulevard.
Aniya, simple lamang ang bilin ng kanyang ina: “Umulan, bumagyo, magkaroon ng delubyo, may masisilungan ka.”
“Nagtanim ng talbos ng kamote, bahay ang tumubo,” ani Domagoso habang inilalarawan ang problema ng informal settlers bilang isang matagal nang suliraning panlipunan na hindi umano dulot ng katamaran kundi ng kahirapan at kakulangan ng oportunidad.
Sinabi rin ng alkalde na ang mga pangunahing proyekto ng lungsod tulad ng Binondominium 1, Binondominium 2, at BaseCommunity ay itinayo sa kasagsagan ng pandemya ng COVID-19.
“Pinili naming isugal ang pamumuhunan para sa aming mamamayan kahit nasa gitna ng krisis,” saad niya.
Ang bawat unit ay may lawak na 42 square meters at may dalawang silid-tulugan upang magkaroon ng hiwalay na tulugan ang mga magulang at mga anak. Ayon kay Domagoso, sinadya umano ito upang maiwasan ang masisikip na kondisyon sa mga barung-barong na nagiging sanhi ng iba’t ibang suliranin sa loob ng pamilya, kabilang ang domestic abuse.
Dagdag pa niya, P2,000 lamang kada buwan ang binabayaran ng mga benepisyaryo at walang paglilipat ng pagmamay-ari ng unit. Kapag nagpasya umanong umalis ang residente at isauli ang unit, ibabalik nang buo ang lahat ng kanilang naibayad.
“Habang nabubuhay ka at tinutugunan mo ‘yung dalawang libo buwan-buwan sa gobyerno, walang makapagpapalaya sa’yo,” ani Domagoso.
Iginiit din niya na hindi dapat kumita ang gobyerno mula sa mga proyektong pabahay.
“Government is not a savings bank. Government is not to make money out of projects. Projects should be considered as public service,” dagdag niya.
Ayon kay Domagoso, kahawig ng Housing Development Board ng Singapore ang kanilang modelo, ngunit may malaking kaibahan dahil mananatiling pag-aari ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang lahat ng unit upang maiwasan ang pagbebenta ng pabahay at pagbabalik ng mga benepisyaryo sa lansangan—isang problemang matagal na umanong nangyayari sa mga relocation program mula pa noong dekada ‘80.
Inanunsyo rin niya na bago matapos ang 2025 ay sinimulan na ang mga bagong proyekto tulad ng San Lazaro Residences at pagpapalawak ng serye ng Binondominium. Ang mga susunod na gusali ay planong umabot sa 20 palapag at popondohan sa pamamagitan ng pautang mula sa Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines.
Bukod sa pabahay, binanggit din ng alkalde ang iba pang proyekto ng lungsod sa kalusugan gaya ng muling pagbubukas ng catheterization laboratory sa isang ospital ng lungsod na kayang magsagawa ng libreng angioplasty, pagtatayo ng 10-palapag na fully air-conditioned na city hospital, at planong pagbubukas ng College of Medicine ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila.
“’Yung ligaya ng tao na siya’y may masisilungan,” ani Domagoso tungkol sa epekto ng programa sa mga pamilya.
Sa pagtatapos ng kanyang talumpati, hinikayat niya ang mga lokal na opisyal sa buong bansa na gamitin agad ang pondo ng gobyerno sa mga proyekto para sa mamamayan sa halip na ipunin lamang ito.
“A peso spent today is better spent today than to spend the same peso tomorrow,” aniya.(BP)