Advertisers

Advertisers

‘DI N’YO PERA YAN! SEN. ERWIN TULFO SA PAG-ALMA NG ILANG KONGRESISTA SA ‘ANTI-EPAL’ SA AYUDA

0 7

Advertisers

Walang politiko ang dapat na magbigay ng ayuda dahil ito ay pera ng taumbayan.

Ito ang naging pahayag ni Senador Erwin Tulfo, Chairman ng Senate Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development, habang kinokondena niya ang tila pagpigil ng ilang kongresista sa pagsulong ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) Act.

Nakatakda na sanang maisapinal ang bicameral conference committee (BICAM) report ng AICS Act bago mag-adjourn ang Sesyon noong 17 Hunyo, ngunit may ilang mga kongresista ang umano’y umayaw sa pagpirma dahil sa kasalukuyang Section 17 ng nasabing batas.

“Ayaw pong pirmahan at gusto po nilang pag-aralan pang mabuti ang ilang probisyon ng nasabing panukalang batas, partikular po ang section 17 kung saan nakasaad po doon na bawal po ang politiko na mamigay ng ayuda lalo na po ng DSWD… pag-aaralan daw po nila doon,” pahayag ni Tulfo.

Humingi rin ng patawad si Sen. Erwin sa kanyang mga kasamahan sa Senado dahil napunta sa wala ang paghihintay nila dahil sa mistulang “deadlock” sa nasabing batas. Ito ay sa kabila ng pagiging priority bill ng AICS Act ng kasalukuyang administrasyon.

Kung natapos lamang ang BICAM approval noong 17 Hunyo, pirma na lamang ng Pangulo ang kailangan at magiging opisyal na batas na ang AICS Act.

“Layunin ng batas na ito na makapagbigay ng tulong sa lahat ng Pilipino, di lamang sa poorest of the poor. Maging yung mga may trabaho na nahaharap sa krisis, makakakuha ng assistance dito. Kaya nga po sinusulong natin na ma-institutionalize ito para tuloy-tuloy ang pondo at mas maayos ang implementasyon,” ani Tulfo.

Bagama’t pag-uusapan pa sa BICAM ang pagsasapinal ng AICS Act, binigyang-diin ni Tulfo na inaprubahan na ng Senado ang nasabing anti-epal provision at nailagay pa nga ito sa 2026 General Appropriations Act.

“Naririnig ko na ho ‘yan, na laging ginagamit po yung AICS na yan sa pamumudmod sa mga kababayan natin, ang kapalit po ay ang kanilang boto. We are trying to stop that tradition or whatever you want to call it,” pagtatapos ni Tulfo. (JERRY S. TAN)