Advertisers

Advertisers

Bawas bayarin sa kuryente, inilaban ni QC 5th District Cong. PM Vargas

0 4

Advertisers

Sa kabila ng patuloy na pagtaas ng gastusin ng mga pamilyang Pilipino, isinusulong ni Quezon City District V Representative Patrick Michael “PM” Vargas ang agarang reporma sa sektor ng enerhiya upang mapababa ang singil sa kuryente at wakasan ang mga hindi makatarungang bayarin sa konsyumer.

Sa pamamagitan ng House Bill No. 10306, layon ni Vargas na amyendahan ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) at palakasin ang proteksyon ng publiko laban sa mga singil na hindi dapat ipinapasa sa mga mamamayan.

Ang panukala ay kaakibat ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na binigyang-diin sa kanyang State of the Nation Address ang pangangailangang pababain ang presyo ng kuryente at pagbutihin ang kahusayan ng sektor ng enerhiya.

Sa ilalim ng panukala, hindi na maaaring ipasa sa konsyumer ang mga non-technical losses tulad ng nakaw ng kuryente at iba pang pagkukulang sa sistema. Sa halip, tanging mga lehitimong pagkawala ng kuryente sa transmission at distribution ang maaaring isama sa singil, at ito ay sasailalim pa sa mas mahigpit at makatarungang limitasyon.

“Malinaw ang mensahe ng Pangulo—dapat gumaan ang pasanin ng mamamayan sa kuryente. Sa HB 10306, tinatama natin ang matagal nang mali kung saan ang inefficiencies sa sistema ay ipinapasa pa sa konsyumer,” ani Vargas.

Sa ilalim ng panukala, tanging mga lehitimong technical losses na lamang ang maaaring isama sa singil, at ito ay sasailalim pa sa mas mahigpit at makatarungang limitasyon.

Sa kasalukuyan, ang system loss charges ay bahagi ng buwanang bayarin sa kuryente, na nagpapahintulot sa distribution utilities na mabawi ang bahagi ng enerhiyang nawawala sa transmission at distribution. Ngunit iginiit ni Vargas na hindi dapat pasanin ng mga mamamayan ang pagkawala ng kuryente dahil sa kapabayaan o ilegal na gawain.

“Hindi makatarungan na ang isang pamilyang Pilipino ay magbabayad para sa kuryenteng ninakaw o nasayang dahil sa kahinaan ng sistema. Panahon na para ilagay ang pananagutan kung saan ito nararapat,” dagdag pa niya.

Kasama rin sa panukala ang pagbaba at muling pagsasaayos ng system loss cap upang masigurong ang mga pagtitipid at kahusayan sa operasyon ay direktang mararamdaman ng mga konsyumer sa kanilang bayarin sa kuryente.

Ayon kay Vargas, ang abot-kayang kuryente ay mahalaga hindi lamang sa bawat tahanan kundi pati sa maliliit na negosyo, edukasyon, at serbisyong pangkalusugan.

“Kung seryoso tayo sa layunin ng Pangulo na pababain ang gastos ng bawat pamilyang Pilipino, dapat nating simulan sa pagtanggal ng mga hindi makatarungang singil sa kuryente—at ito ang nangunguna nating isinusulong sa panukalang ito,” ani Vargas.

Inaasahang tatalakayin ang House Bill No. 10306 sa kaukulang komite ng Kamara sa mga susunod na linggo. (Cesar Barquilla)