Advertisers

Advertisers

ISKO NAGBABALA: “WILD” DISEASES, SUMASALAKAY SA MAYNILA!

0 4

Advertisers

Nagbabala si Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso sa pagtaas ng mga karaniwang sakit tuwing tag-ulan at hinikayat ang publiko na maging mas maingat upang makaiwas sa pagkakasakit.

Sa kanyang programang “Talk to the People” noong Lunes, Agosto 3, inilunsad ni Domagoso ang kampanyang laban sa tinawag niyang “WILD” diseases—Water-borne diseases, Influenza, Leptospirosis, at Dengue—na aniya ay dumarami kasabay ng patuloy na pag-ulan at pagbaha sa iba’t ibang lugar.

Ayon sa alkalde, iniulat ng Manila Health Department (MHD), sa pamumuno ni OIC-City Health Officer Dr. Grace Padilla, na may pagtaas ng mga kaso ng influenza-like illness na napag-usapan sa regular na directional meeting ng pamahalaang lungsod.



Batay sa datos ng MHD hanggang Agosto 3, nakapagtala ang Maynila ng 845 kaso ng influenza-like illness, 2,105 kaso ng dengue, 111 kaso ng leptospirosis, at 77 kumpirmadong kaso ng COVID-19 mula pa noong Enero 1.

Ipinaliwanag ni Domagoso na bagama’t may mga naitatalang kaso ng COVID-19, nananatili umano itong nasa manageable level at ligtas ang mga pasyente.



Binigyang-diin din ng alkalde ang kahalagahan ng tamang pag-iingat laban sa mga sakit na dulot ng maruming tubig at pagbaha. Kabilang sa mga water-borne diseases ang typhoid, cholera, at acute gastroenteritis, habang ang leptospirosis ay maaaring makuha mula sa tubig-baha na kontaminado ng ihi ng daga o iba pang hayop.

Hinimok niya ang mga residente na palaging maghugas ng kamay, umiwas sa pakikisalamuha kapag may sintomas ng sakit, at hangga’t maaari ay huwag lumusong sa baha upang mabawasan ang panganib ng impeksiyon.



Inihayag din ni Domagoso na may sapat na suplay ng Doxycycline sa Manila City Hall, mga ospital, at health centers bilang proteksiyon para sa mga taong maaaring malantad sa tubig-baha.

Bukod dito, hinikayat din ng alkalde ang publiko na magsuot ng face mask sa mga nakasarang lugar kahit hindi ito obligado, lalo na upang maiwasan ang pagkalat ng trangkaso at iba pang respiratory illnesses.

Binigyang-diin ni Domagoso na mahalaga ang pag-iingat hindi lamang para sa kalusugan kundi pati na rin sa kabuhayan ng mga manggagawa, lalo na ang mga nasa sistemang “no work, no pay,” na lubhang naaapektuhan kapag nagkakasakit. Aniya, ang simpleng pagsunod sa mga health protocols ay makatutulong upang mapanatiling ligtas ang bawat pamilya at komunidad ngayong panahon ng tag-ulan.(BP)