Advertisers
Banayad ang paglabas ng katotohanan hinggil sa mga multong proyekto na pinondohan ng bilyon – bilyong piso ng bayan sa pagtatapos ng El Nino sa bansa. Sa nararanasang pag-ulan sa iba’t ibang bahagi ng kapuluan at pagbaba ng temperatura sa bansa, lumalakas ang kaba sa dibdib ng mga kinatawan bayan na sangkot sa mga multong proyekto. Ang El Nino ang panahon sa bansa na pinakananais ng mga kawatang kinatawan ng ‘di makita ang lupit ng mga multong proyekto sa “flood control” na pinondohan ng bilyon bilyong piso. Sa pagpasok ng tag-bagyo sa bansa, ramdam ng tao sa laylayan ang kawalanghiyaan ng mga opisyal ng pamahalaan higit ng mga kinatawang bayan na nagbulsa sa pondo ng bayan sa ‘di mapigil na baha na sumisira sa kabahayan at kabuhayan ng maraming Pinoy. Ang masakit, ang dating ‘di binabaha, ngayo’y nakakaranas dahil sa mga salang proyekto na sinimulan at itinigil dahil sa nawalang pondo.
Marangal ang maglingkod sa bayan subalit iba ang pakahulugan ng maraming kinatawang bayan sa paglilingkod na banggit. Ang magkamal ng salaping bayan ang serbisyong gawa at ‘di pansin ang kagalingan ng tao sa laylayan at ‘di mahalaga na makita ang proyekto na ipinatutupad o ipinagagawa hanggat nasa lukbutan ng kinatawan. Gamit ang buwis o inutang na salapi na bayarin ng mamamayan, sige lang at bahala na si Batman, Spiderman, Superman, si Mang Juan at ang taong bayan. Sa uri ng mga lingkod bayan sa kasalukuyan, nakararami ang pansarili ang layon na kasuklam-suklam. Sa totoo lang, mainam na malusaw o lusawin ang sangay ng pamahalaan na sangkalan ang halalan sa pagpapayaman. Gamit ang ilang salapi upang maihalal at makupo ng tatlong taon, suma-tutal, tatlong ulit ang paglaki ng pag-aari na ‘di magagawa sa lehitimong negosyong kapit. O’ higit na mainam ang nasa pamahalaan kumpara sa negosyong tangan.
Sa totoo lang, nakatuon ang usapin sa itaas sa pagkalap ng kaperahan ng mga kinatawan at ‘di banggit ang paraan ng pakikilahok sa mga talastasan na mahalaga sa bayan. Ang katahimikan ang ambag sa mga talakayan ng mga panukalang batas ng nahalal na kung may pakinabang si Mang Juan. At kapagdaka, mababatid na kasama sa may akda ng panukalang batas gayung batid na pagtaas ng kamay ang ambag sa ipinasang panukalang batas. Sa pagkakataong matanong sa laman ng panukalang batas, ang ipasa ang pagsagot sa kasamang tauhan ang gawa at wiwika na walang oras. Ngunit magilas sa pagsagot sa usaping kaperahan o mga proyekto na may pakinabang sa lukbutan ‘di bale ang bayan. At ito’y batid ni Mang Juan, dahil silip ang mga proyektong multo na nagpapahirap sa bayan sa panahon ng tag-ulan.
Muli, sa panahon ng tag-bagyo sa bansa ‘di man tuwiran ang tama sa kalupaan, malinaw na malaki ang ambag sa bayan upang mabatid ang salang gawa ng mga kinatawan. Silip ang pagbaha sa Lunsod ng Dabaw na higit sa P51B ang pondo inilaan. At nagtatanong ang Dabawenong si Mang Juan, bakit tumataas ang tubig baha sa lunsod sa halip na mawala sa laki ng pondong inilaan upang maiwasan ang pagbaha. Hindi karaniwan ang pagtaas ng baha sa Lunsod ng Dabaw o sadyang nangangalit ang kalikasan sa labis na pagnanakaw sa kabang bayan ng mga lider na ang malasakit ay sa sariling lukbutan. O’ sadyang ginigising ang Dabaweno ng maalis ang salot at mapagmalabis na pamilya ng lunsod.
Sa pagpasok ng bagyo sa bansa, tila hinangin si Mang Juan mula Dabaw patungo lalawigan ng Bulacan kung saan naging karaniwan ang pagbaha. Sa nakapanayam na kaibigan, hindi ganap na binabaha ang lalawigan sa unang panahon ngunit nagtataka kung bakit ganap at mataas ang bahang nararanasan sa kasalukuyan. Walang makitang dahilan ang nakapanayam kung hindi ang mga hindi natuloy na mga proyekto sa “flood control ” na humihila ng maraming tubig sa mga ilog na tumatapon sa kabayanan. Ang mga {multong} proyekto na sa simula ang dahilan sa pagdaloy ng tubig sa kabahayan at kabayanan na tumatagal ng ilang lingo bago humupa. Sa totoo lang, nakikiusap ang mga taga-Bulacan na ayusin ang mga daluyan ng tubig ng ‘di dumaloy sa mga kabayanan na ‘di makayanan ng mga baradong kanal na dahilan sa pagtagal ng paghupa.
Sa totoo lang, bilyon – bilyon piso ang nilaan ng pamahalaan sa banggit na mga binabahang lalawigan ng mapigilan ang malawakang pagbaha. Hindi ibig bigyan ng negatibong larawan ang mga lalawigang banggit bagkus ang mabatid ng mamamayan sa banggit na mga lalawigan na may pagmamalabis o salang paggamit sa pondong inilaan ng pamahalaan upang mapigilan ang inaasahang pagbaha. Malinaw na kagagawan ng mga opisyal o ng mga kinatawan ang dinadanas na pagbaha sa ngalan na huli ang bayan at una ang lukbutan.
Sa kabilang banda, batid na ang kaMaynilaan ang bonggang ka-ilogan na pinaliliguan ng mga kabataan sa panahon ng tag-ulan. Sino ang ‘di nakakabatid sa malalim na Espana sa Maynila o ang Tatalon sa QC. Sa totoo lang, iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ang tumututok sa mga lugar na binabaha sa kaMaynilaan. Sa dahilan na pangunahing tunguhan, sentro ng kalakalan, sentro ng pamahalaan at ganap na bahain ang kaMaynilaan sa bansa. Ganun pa man, hindi makawala ang kaMaynilaan sa labis na baha higit na tuwirang usapin kung paano maiibsan o maalis ang tuwinang problema sa panahon ng tag-ulan. At sa totoo pa rin, kaliwa’t kanan ang “pumping station” subalit ‘di maalis ang usapin ng baha. Kay Mang Juan ng kaMaynilaan, baka ibig mag-ayos sa pagtatapon ng basura at sa mga opisyal ng pamahalaan, bawasan ang kurakot ng ‘di magalit ang sanlumikha at bawasan ang tubig ulan.
Sa pag-unlad na may pagbabago sa bansa, ibig mabatid kung may komprehensibong programa ang pambansang pamahalaan, maging ang LGUs sa pagtiyak na maiibsan ang pagbaha sa bansa higit sa kaMaynilaan. Sa totoo lang, silip ang salang gawa sa lugar ng Taguig na tinatabunan ang ilang bahagi ng Laguna Lake para sa ilang proyektong ibig ng lokal na pamahalaan. Sa pagkakabatid, hindi matuwid na galawin ang likas na kaayusan ng may likha ayon sa ibig ng tao higit ng sino mang Pilato. Ang galawin ang kaayusan na gawa ng lumikha tulad ng ginagawa sa Sierra Madre at ngayon sa Laguna Lake ang ganap na sala at aanihin ang perhuwesyo ‘di man sa kasalukuyan ngunit sa kinabukasan. Itigil ang salang gawa sa paggalaw sa kalikasan ng maiwasan ang {pag}baha sa maraming bahagi ng bansa.
Maraming salamat po!!!!