Advertisers

Advertisers

SINO ANG KANDIDATO NI BBM SA 2028?

0 1,231

Advertisers

HANGGANG ngayon, palaisipan sa amin kung sino ang manok ni BBM sa 2028. Ang alam namin ay hinding hindi si Misfit Sara ang isasabak niya sa halalang pampanguluhan sa 2028. Abala siya na tuluyang durugin si Misfit para hindi ito makatakbo sa 2028.

Hindi aabot sa yugtong ito ang impeachment trial kung palulusutin lang si Misfit Sara. Sa amin, sisiguraduhin ni BBM na durog si Misfit. Sisiguraduhin na hindi siya muling babangon upang muling maghari ang mga Duterte sa pulitika ng bansa.

Ngayon, malinaw sa amin ang unang pamantayan sa sinumang pulitiko na nonombrahan ni BBM na kahalili niya. Kailangan hindi niya ito kaaway. Kailangan naniniwala sa kanya sa pag-ugit ng pamahalaan. Higit sa lahat, kailangan na hindi siya magsasampa ng anumang sakdal sa hukuman sa sandaling hindi na siya ang pangulo ng bansa.

Natuto si BBM sa karanasan ni GMA nang nanalo na pangulo si PNoy noong 2010. Nang naupo si PNoy, ang unang isinakdal sa husgado ay si GMA. Bagaman sa ospital ikinulong si GMA, hindi siya nakapamayagpag bilang isang malayang nilalang sa bung termino ni PNoy.

Kailangan niya makipag-alyansa kay Gongdi upang makalaya at nakalaya siya ng naupo bilang pangulo ang mamamatay tao na dating alkalde ng Davao City. Hindi nanaisin ni BBM na abutin niya ang masamang kapalaran ni GMA sa kamay ng hahalili sa kanya.

Bukas si BBM na manukin ang sinuman na may balak sumabak sa 2028. Basta huwag lang si Misfit Sara. Sa kanya, masamang panaginip ang tinawag na Unity Team na itinaguyod ng pinagsamang puwersa ng mga Marcos loyalist at DDS. Naghiwalay na ito dahil walang matibay na batayan upang panatilihin ang alyansa.

Nanatiling malakas ang puwersa ng mga Marcos loyalist kahit anong gulpi ang abutin nila sa tila nababaliw na mga DDS. Mukha silang katanggap-tanggap sa ibang puwersa dahil hindi nalalayo ang kanilang posisyon sa ngayon sa ibang grupo.

Tutol sila sa China na tahasang dinadakila ng mga Duterte at DDS. Tutol sila sa malawakang patayan sa pagbaka sa ilegal na droga. Hindi nila tinatanggap ang mga EJKs bilang paraan sa pagsupil sa droga. Hindi sila payag sa kabastusan at kawalan ng dignidad ng mga DDS at dito naghiwalay ang kanilang mga landas.

Alam ni BBM na sa sandaling maging pangulo ng bansa si Misfit Sara, wala itong unang gagawin kundi ikulong siya. Kaya hindi niya hihintayin na mangyari iyan. Ito ang dahilan kung bakit mapipilitan siyang makipag-alyansa sa ibang grupo kasama ang puwersang demokratiko na dating katunggali niya sa pulitika.

Ngayon, tanging ang pinagsamang puwersa ng mga makabayang demokratikong grupo tulad ng Akbayan, Magdalo, at iba pang maliit ng grupo ang malayang pumalaot sa larangan. Inilunsad nila ang kilusang “Risa Na!” upang isulong si Risa Hontiveros sa 2028. Naglunsad sila ng ilang kilos pagkakaisa upang buuin ang kanilang tsapter sa mga pangunahing siyudad ng bansa. Libo-libo ang dumalo sa kanilang mga kilos pagkakaisa.

***

“AMININ na natin na may krisis tayo sa basura,” ito ang tahasang sinabi ni BBM sa harap ng telebisyon nang pumunta siya sa Paranaque City upang pangunahan ang pagkolekta sa basura na galing umano sa Manila Bay at tumambak sa pangunahing daluyan ng tubig doon. Ipinakita ng kamera ang daan-daang tonelada ng mga basura na humarang sa daluyan.

Iniulat na abot sa halos 500 tonelada ng mga basura na karamiha’y plastic na hinakot ng halos 200 biyahe ng mga trak upang malinis ang daluyan. Hindi nagpatumpik-tumpik si Kin. Michael Santos sa nakita krisis sa basura at agad nagpanukala ng solusyon. Si Santos ang kinatawan ng karatig siyudad ng Las Pinas at isang masugid na kritiko ng pamilya ng Villar.

Sa isang pahayag, ipinanukala ni Santos sa mga LGUs ng 16 na siyudad at isang munisipyo ang agarang pagbuo ng tinawag niyang “garbage police” upang ipatupad ang mga batas kontra pagtatapon ng basura at waste disposal at dakpin ang mga lalabag.

Ayon kay Santos, ang pagbuo ng mga garbage police ang magpapalakas sa pagpapatupad ng mga kasalukuyang batas kontra pagtatapon ng basura at siguraduhin na dinadakip ang mga taong walang habas na nagtatapon ng basura sa mga pampublikong lugar at daluyan ng tubig.

“We need garbage police who will be visible on our streets and in our communities. They should have the authority, under existing laws and ordinances, to apprehend violators and bring them before the proper authorities. We cannot solve the garbage crisis if our anti-littering laws exist only on paper,” ani Santos.

Iminungkahi na hiwalay ang “garbage police” na law enforcement unit sa mga kasalukuyang barangay tanods at bibigyan ng kaukulang pagsasanay upang magmasid at mahigpit na ipatupad ang mga anti-littering at solid waste management regulations.

“The garbage police should not be an additional burden on our barangay tanods. They should be a dedicated team whose primary responsibility is to enforce our anti-littering and waste disposal rules,” aniya. Payag kami dahil isa itong paraan upang magkaroon ng kultura kontra basura ang mga Filipino.

“Hindi puwedeng puro paalala at clean-up drive lamang. Kailangang may mananagot sa bawat paglabag. Kung may mga batas at ordinansa tayo laban sa littering, dapat may mga taong may sapat na mandato para ipatupad ang mga ito,” aniya.