Advertisers
ZERO TOLERANCE – ito ang paninindigan ni Risa Hontiveros laban sa malawakang korapsyon na bumabalot sa burukrasya ng bansa. Pero naniniwala si Risa na hindi sapat ang prosekusyon kung saan dinadala ang mga korap sa hukuman.
Mas naniniwala si Risa sa mga reporma sa burukrasya at mga institusyon at ang paglahok ng mga mamamayan sa isyu ng korapsyon. Kailangan magbago ang mga sangay ng gobyerno upang hindi mabigyan ng pagkakataon ang isang tiwaling opisyal o kawani na dambungin ang kaban ng bayan.
May katwiran na may matatag na paninindigan si Risa korapsyon sa bansa. Abot sa P1.6 trilyon ang nawawala sa kaban ng bansa taon-taon sa korapsyon. Halos 5% ito ng kabuuang kita ng bansa, o GDP, na abot sa P33 trilyon kada taon, ayon sa ilang malayang pag-aaral.
Humigit kumulang sa P700 bilyon ang nawawala dahil sa katiwalian sa taunang budget na P5 hanggang P6 trilyon ng pamahalaan. Kasama sa halagang ito ang nawalang P118 bilyon taon-taon mula 2023 hanggang 2025 dahil sa katiwalian sa flood control, ani ni Executive Secretary Rafael Recto. Hindi kami nagtaka na nanindigan si Risa ng ganito kalaking korapsyon.
Kailangan sangkot ang mga mamamayan sa isyu ng korapsyon, aniya. Hindi tama na isantabi ang kanilang paglahok sa pag-imbulog ng mga mahalagang polisiya kontra katiwalian. Sa kanya, kailangan ang konsultasyon kasama mga civil society organization, people’s organization, at iba pang samahan ng mga mamamayan pagdating sa mga desisyon sa isyu.
Kailangan itigil ang muling pagbuhay ng mga tiwaling opisyales na may record ng korapsyon sa gobyerno. May katwiran na itigil ang paglipat ng mga korap na opisyal mula sa isang ahensya patungo sa ibang ahensya.
Hiningi ni Risa ito noong buwagin ni Gongdi noong 2019 ang mga operasyon sa palaro (gaming operations) ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO). Hiningi rin niya ang masusing pagsisiyasat sa mga opisyales na inilipat lag sa ibang tanggapan kahit nabistong may ga itinatagong korap na aktibidad.
Noong Setyembre, 2025, hiningi ni Risa kay BBM ang pagsama-samahin s isang kumpol ang mga pangunahing ahensya ng gobyerno tulad ng Commission on Audit (CoA), Office of the Ombudsman, at Department of Justice (DoJ) upang pasiglahin ang pagbaka sa katiwalian sa pamahalaan.
Ito ang mga panahon ng isiwalat ni BBM ang malawakang korapsyon sa gobyerno kaugnay sa mga proyektong flood control. Nanguna si Risa sa pagpanday ng maituturing na matinding polisiya na tahasan harapin ang isyu ng katiwalian sa gobyerno.
Nanguna ri Risa sa paglulunsad ng Cebu Citizen Anti-Corruption Watch, isang citizen watchdog na ang pangunahing layunin ay labanan ang korapsyon sa gobyerno. “Absolutely essential na may citizen participation,” aniya sa isang pahayag.
Hindi dito nagwakas ang adbokasiya ni Risa hinggil sa korapsyon sa pamahalaan. Isa si Risa sa mga masigasig na mambabatas na nagtataguyod ng Senate Bill 1652, o ang Master Plan for Infrastructure and National Development (MIND) Act. Inilatag ng panukalang batas ang 30-taong masterplan sa imprastraktura at mga proyektong nakapaloob sa programa.
Iiwasan ng infrastructure master plan ang mga walang saysay na paggastos sa imprastraktura at gagabayan nito ang tamang pagtustos sa imprastraktura upang maiwasan ang mga pagkakamali kung saan bilyon-bilyong piso ang nawala sa kaban ng bayan at pinaniniwalaan na ninakaw ng mga magkasabwat na mambabatas at kontratista.
***
TAMA ang paninindigan ni Kin. Joel Chua ng Maynila na tatalima ang Prosecution Panel sa anumang utos ng Senate impeachment court na ipapatupad ang subjudice rule sa impeachment trial ni Misfit Sara. Ngunit nagbabala si Chua na hindi dapat maging mahigpit ang Senado sa anumang ibabang order dahil kailangan harapin ang ibayong paglaganap ng mga fake news sa social media.
“Of course, tayo naman iginagalang natin ang ating impeachment court, ang ating senator-judges, lalong lalo na ang napakahusay na presiding officer natin si Senator Chiz Escudero,” ani Chua. “Ang sa amin lang naman kasi, ang ipapakisuyo lang naman namin, dahil alam mo itong impeachment hindi naman kasi ito kagaya ng mga normal na court hearing na kung saan ‘yung sub judice ay talagang mariin na pinatutupad dahil dito sa impeachment process, ito ay imbued with public interest,” aniya.
“Kung labis na maghihigpit ang Senado sa aming mga pahayag sa publiko, baka mahirapan kami na sagutin ang mga pekeng balita at iba pang pandaraya sa impormasyon,” ani Chua. “Now, bakit ko sinasabi na sana mabigyan kami ng konting flexibility? Kasi ang kalaban namin dito ay fake news, ang mga naglipana fake news,” aniya.
“Sana bigyan din ng opportunity ang ilang mga media kagaya ng mga malalaking media na mabigyan ng espasyo sa loob ng senate impeachment hearing. Kung sa ganun, talagang nakikita ng mga tao kung ano ba talaga ang ginagawa naming lahat ‘di ba,” aniya. “So kung kami ay pipigilan na makapagsalita, paano namin mailalahad ang totoong nangyari samantalang kami po yung prosecution at tsaka ‘yung mga defense counsel, eh kami talaga ang nandoon, kami ang nakakaalam kung ano talaga ang nangyayari at kung bakit naipresenta ang nasabing ebidensya,” ani Chua.