Advertisers
ARESTADO ang isang tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa entrapment operation ng ahensiya kasama ang Criminal Investigation and Detection Group kaugnay ng P500,000 “slot-for-sale” recruitment scam.
Nagsimula ang operasyon matapos i-report ng isang aplikante ang suspek na umano’y kumontak sa kanya sa pamamagitan ng Facebook Messenger gamit ang dummy account.
Agad namang kumilos ang BFP Region 3, sa pangunguna ng Regional Director, FSSUPT Bernard Rosete, katuwang ang PNP-CIDG Regional Field Unit 3.
Nagkita ng ilang beses ang aplikante at ang suspek bilang bahagi ng paghahanda para sa entrapment operation.
Sa unang pagkikita, nagpakita ang suspek ng BFP ID at sinabing nakapagbenta na siya ng mga recruitment slot sa iba’t ibang rehiyon.
Humingi umano ito ng P500,000 kapalit ng slot sa BFP.
Sumang-ayon ang aplikante na magbigay muna ng P300,000 bilang paunang bayad, na naging bahagi ng entrapment operation.
Sa sumunod na pagkikita, agad inaresto ng mga opera-tiba ng CIDG at BFP ang suspek habang isinasagawa ang palitan ng marked money.
Ani BFP Officer-in-Charge FCSUPT Wilberto Rico Neil Kwan Tiu, nananatiling mahigpit at patas ang proseso ng recruitment ng ahensiya.
(Mark Obleada)