Advertisers

Advertisers

Binuking sa trial ng OVP Assistant Chief of Staff… P625M, CONFI FUNDS: SARA, LACHICA LANG ANG MAY ALAM!

0 5

Advertisers

TANGING sina Vice President Sara Duterte at security chief Colonel Raymund Dante Lachica ang nakaaalam kung saan at paano ginastos ang P625 milyon na confidential funds ng Office of the Vice President (OVP), ayon sa lumabas sa impeachment trial nitong Miyerkules.

Ito ang sinabi ni OVP Assistant Secretary at Assistant Chief of Staff Lemuel Ortonio, matapos aminin sa Impeachment Court na wala siyang personal na kaalaman sa aktuwal na paggastos ng daan-daang milyong pisong confidential funds.

“Wala akong personal na kaalaman,” pahayag ni Ortonio.

Binigyang-diin naman ni Presiding Officer Francis Escudero na maging ang Assistant Chief of Staff at Chief of Staff na si Atty. Zuleika Lopez ay walang alam sa aktuwal na paggamit ng pondo.

Nang tanungin kung alam ni Duterte kung paano ginastos ang pera, sinabi ni Ortonio na bilang pinuno ng OVP, dapat ay alam ng bise presidente kung paano ipinatupad ang mga aktibidad na pinondohan ng confidential funds.

Samantala, kinumpirma rin ni Ortonio na alam ni Lachica kung paano ginamit ang pondo dahil siya ang namuno sa security operations ng OVP.

“So sa inyong tanggapan, tanging si VP Sara, bilang pinuno ng ahensya, ang nakaaalam. Ikaw bilang Assistant Chief of Staff, hindi mo alam. Ang Chief of Staff, hindi alam. Si Col. Lachica, alam din,” ani Escudero.

Mas sinuri rin ang papel ni Lachica matapos ipunto ni Escudero na batay sa naunang pagtatanong ni Senator-Judge Vicente Sotto III, hindi kabilang si Lachica sa regular o organic personnel ng OVP.

P125-M, NAUBOS SA LOOB LANG NG 11 ARAW

Lalong naging usapin ang paggamit ng confidential funds matapos matanggap ng OVP ang unang P125 milyon noong Disyembre 2022. Ayon sa mga rekord, naubos ang buong halaga sa loob lamang ng 11 araw—mula Disyembre 21 hanggang 31.

Batay sa liquidation documents ng OVP, P40 milyon ang inilaan sa medical at food assistance, P35 milyon sa supplies, P16 milyon sa safe houses at incidental expenses, P14 milyon sa pagbili ng impormasyon, P10 milyon sa rewards at P10 milyon pa sa incentives at travel kaugnay ng confidential operations.

Naging kontrobersyal din ang mga liquidation document dahil sa mga pangalan sa acknowledgment receipts gaya nina “Mary Grace Piattos,” “Chippy McDonald,” “Timon Andrew Pusa,” “Antonio Pagong,” “Shane Ngitngit,” “Don Piang,” “May Piang,” at “Xuniso P. Belat.”

Nauna nang inamin ni dating OVP Special Disbursing Officer Gina Acosta sa Impeachment Court na ilan sa mga pangalang nakalagay sa acknowledgment receipts ay mga alyas, hindi tunay na pangalan ng mga tumanggap ng pera.

Samantala, naglabas narin noon ang Commission on Audit ng Notice of Disallowance para sa P73.287 milyon na confidential fund expenditures ng OVP dahil sa kwestiyonableng paggastos at kakulangan ng mga supporting documents.

Sa testimonya ni Ortonio, muling umigting ang tanong kung sino ang dapat managot sa paggamit ng P625 milyon, lalo’t maging ang ilang matataas na opisyal ng OVP ay nagsabing wala silang personal na kaalaman kung paano aktuwal na ginastos ang pondo, habang itinuro naman sa paglilitis sina Duterte at Lachica bilang mga opisyal na nakaaalam sa pagpapatupad ng confidential operations.