Advertisers

Advertisers

LABAN NG KATOTOHANAN

0 3

Advertisers

Sa paglalakad sa pamayanang tinitirahan ‘di sinasadyang nakasalubong ang dating guro sa elementarya na sa mukha nakilala. Hindi napigil ang sarili nilapitan, tinanong kung ako’y natatandaan at ang ngalan ng guro. Sadyang mapagbiro ang matanda at banggit ang katagang laging hawak mo noong bata ka, Sir Bingo, sabay ang halakhakan. Nag-bidahan, at banggit ang ilang numero sa larong BINGO. Sinimulan sa letrang B at banggit ang galit at matigas na 1’t sinundan ng pelikula ni Dina Bonnevie, ang 14. Hindi pa tapos sa halakhakan, humirit ang matanda sa susunod na titik I, batang – bata ngunit pwede na 16, at sinundan na huwag magbiro dahil may bibit na balisong {29} na pantarak sa palikerong kalaro. Patuloy ang bidahan at pumasok sa titik N na dala ng mamang may baril, 38, 44, at 45. Nagpatuloy ang biruan at tumuloy sa titik G, banggit ang EDSA Hi-Way 54 at ang batang-batang SC, 60. Bago maghiwalay, nabanggit ang paborito ng magsinta na baliktaran 69 sa titik{O}at ang edad ni Johnny ng magkamalay sa mundong ibabaw, 75, halakhakan at naghiwalay.

Umuwi ng may ngiti at napagtanto na ‘di malilimot ang mga bagay na kahit pabiro’y nakakasaya. May dulot na saya na ‘di mawari maging sa pag-iisa sa maliit na bagay o pagkakataon na naging bahagi ng nakaraan. Higit, ‘di malilimutan ang bagay na nagpasaya wala mang halaga ng salapi subalt may kilig sa muling pag-alala na lalabas ang ngiti sa labi. Sa pag-inog ng araw, napansin ang isang saksi sa pagdinig hinggil sa pagpapasipa sa abalang pangulo ng bansa. Kapansin pansin ang palikong tugon o ‘di malalang itutugon sa mga tanong ng mga taga-usig maging ng ilang hukom-senador na ‘di katagalan ang pangyayari. Sa totoo lang, nakatala ang ipinasang dokumento sa tagasuri {COA} ng tanggapan ng abalang pangulo ang tanong na ibinabato sa saksi mula sa tanggapan ni Inday Salakay. Sa pagtanaw, tulala, lito o sadyang mangmang ang saksi na ‘di masagot ang payak na mga katanungan na ikina-irita ng mga nagtatanong. Sadyang mahirap magsabi ang taong sarado ang isip sa paglalahad ng katotohanan. O’ sadyang mangmang o takot na bumanggit o bangitin ang katotohanan sa likod ng mga dokumento tangan.

Sa panonood sa ilang punto sa pagdinig, nagbalik ala-ala ang isang programa sa TV, Kung Kakasa Ka sa Grade lV. Sa tugon na opo, magsisimula ang tanungan na kailangan balikan ang ilang kaalaman sa matagal na panahon, ang sa elementarya. Nakakagiliw alalahanin ang programa kahit may katagalan ang nakalipas higit ang ilang katanungan na ibinabato noong tayo’y mga bata. Sa mga nakalahok o nakilahok, ganap na ala-swerte ang pakikibahagi sa programa na ‘di kailangan ng ganap na paghahanda dahil balik-tanaw sa nakaraan ang mga tanong na ibinabato o ibabato. Ang naka-imbak na alaala o karanasan ang panggagalingan ng sagot na tunay na nakakatuwa. At ang kabaliktaran sa napapanood na paglilitis sa hukuman-senado.

Sa totoo lang, silip ang pagkasuya ng mga taga-usig at ng mga hukom-senador sa walang alam na saksi / kawani sa opisina ni Inday Salakay. Walang mapigang sagot sa saksi ang mga nagtatanong hinggil sa mga pinasukang transaksyon ng tanggapan ng abalang pangulo. Sino ang ‘di mapipikon, sa isang mangmang na tauhan na ipagkakatiwala ang milyon – milyong pisong transaksyon na ‘di batid ang tuwirang pinaggamitan sa inabot na salapi kay Kol. Letseka. Ang tindig o galawan nagtatangatangahan ang ‘di matanggap sa kawani na pinagkatiwalaan ng mataas na opisyal ng bansa. Hindi karaniwan ang paglalabas sa mga salaping ‘di batid ang pinagtustusan ngunit ganap na ma-anomalya. Ang galawan sa paglabas ng salapi sa mga ngalang kaduda-duda ang nagpahirap sa PSA na tuntunin saang lupalop sa bansa ang tulad ni Andy Lim. Bakit ‘di hanapin sa mga sementeryo na naibaon kasama ng mga biktima ng salang digmaan sa droga ng ama.

Sa pagbanggit sa ilang ala-ala sa nakaraan na ‘di malimutan, walang paglagyan ang pagtataka sa uri ng memorya na mayroon ang nagngangalan Gng. Acosta sa tanggapan ng abalang pangulo. Silip ang salang tindig sa ‘di masagot na mga tanong sa mga tustusin na pinasukan ng tanggapang pinaglilikungran, Ang nakakalungkot, tuwirang trabahong nakaatas sa tanggapang pinasukan ang ‘di matugunan. Sa totoo lang, ipinababatid o ipinababasa sa sino mang kawani na papasok sa pamahalaan ang detalye ng gagawin sa tanggapang papasukan. Muli, ipinababasa at pinalalagdaan ang “job description” sa sino mang kawani na papasok o pumasok sa tanggapan sa pamahalaan. Ang pagliko ng kawani sa itinakdang kautusan sa pamahalaan higit sa trabahong inatas, malinaw na may takdang kaparusahan. Nariyan ang pagkakulong o pang habang buhay na pagka-tiwalag sa trabaho sa pamahalaan. Sa puntong banggit, tila mapapaloob ang saksi mula sa tanggapan ng abalang pangulo sa dalawang kaparusahan, pagkatanggal at pagkakulong. May oras pa ba para maituwid ang kamalian o ang kamangmangan ng saksi mula sa tanggapan ni Inday Salakay?

Marangal ang pumasok sa serbisyo ng pamahalaan higit sa mga tanggapan ng mga halal ng bayan na tuwirang binasbasan ng balana. Tuwirang binibigyan halaga ang katapatan sa serbisyong bayan na pangunahing mandato ng bawat opisyal na inihalal o itinalaga. Ang katapatan sa nagtalaga’y ‘di ganap, dahil maging sila’y nanumpa ng katapatapat sa serbisyong bayan. Ang paglihis sa sinumpaan na pagseserbisyo sa bayan ang tuwirang pagtatakwil na may kaparusahan, pagkakulang o ‘di muling makahabol o makapsok sa ano mang tanggapan sa pamahalaan sa bansa. Muli, sa pagkakataong sala ang gawa ng sino mang kawani ng pamahalaan, halal o naitalaga higit sa panlulustay sa salaping bayan, ang panghabang buhay na pagbabawal na magserbisyo sa bayan ang pinaka magaan na may kalakip na pagkakakulong.

Sa nagaganap na pagdinig sa hukom-senado, iisa ang pumapasok sa isip at puso ni Mang Juan, naawa sa mga saksi na nagamit ng mga sakim sa salapi bayan. Sa likod ng awa, paano ang katarungan na matagal ng ipinagkakait sa bayan. Ang silip na pagtatakip sa isinasakdal ang kamaliang nag-aalis sa awang nadarama sa mga saksi na sala ang katapatan. Pabingohin at panagutin ang dapat panagutin at isantabi ang awang nadadama dahil bayan ang naduhagi sa laban ng katotohanan.

Maraming salamat po!!!!