Advertisers

Advertisers

SINDIKATO SA LIKOD NG ONLINE SABONG SA CAVITE, IBINUNYAG!

0 3

Advertisers

HINDI lamang sa lalawigan ng Rizal palasak ang operasyon ng ipinagbabawal na online sabong kundi maging sa lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas at Quezon.

PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. at Cavite Acting PNP Provincial Dir. Col. Ariel Red

Ito ang pagbubunyag ng sibikong grupo na Mamamayan Kontra Krimen at Bisyo (MKKB) matapos ang raid na isinagawa kamakailan ng magkasanib na pwersa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at ilan pang unit ng kapulisan sa isang license cockpit sa bayan ng Pililla, Rizal. Naaresto ang 16 na sangkot sa online sabong at nakumpiska ang mga ebidensya sa naturang ilegal na pasugal.

Sa pagsisiwalat sa SIKRETA, hindi lamang sa mga lisensyadong sabungan sa Rizal nagaganap ang operasyon ng online sabong kundi sa mga cockpit sa Laguna, Batangas, Cavite at Quezon.

Tinukoy ng mga ito ang Imus, Cavite City, Maragondon, Ternate, Kawit, General Trias, Tanza at ilan pang mga siyudad at bayan na may lisensyadong sabungan ay maroon din ilegal na sabong online at sakla operation. Walang aksyon laban dito sina Cavite Gov. Gabriel Remulla at Cavite Acting PNP Provincial Dir. Col. Ariel Red. Nag-ooperate din sa Lipa City, Tanauan City at ilang mga bayan sa Batangas ang online sabong syndicate.

Isang alyas Melchor Ngongo ang nagpapatakbo ng sindikato ng e-sabong sa mga nabanggit na siyudad at munisipalidad. Si Melchor Ngongo ay kanang kamay sa illegal online sabong operation sa CALABARZON ng isang alyas Pineda na kumokontrol ng naturang labag sa batas na gambling operation sa maraming license cockpit sa naturang rehiyon.

Si Melchor Ngongo din ang nagyayabang na “pasok” sa kanilang operasyon ang mga tanggapan nina PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., CIDG Dir. MGen. Robert Alexander Morico II, Region 4A Acting PNP Dir. BGen. Dominic Baccay, ilang mga provincial director at mga police chief?

May ilang buwan pa lamang ang nakararaan ay sinalakay ng mga elemento ng Batangas Provincial Office ang isang sabungan sa Lipa City na nag-ooperate ng online sabong.

Ngunit sa halip na papurihan ay sinibak sa kanyang pwesto ang team leader na police major na namuno sa isinagawang raid.

Sinuspinde ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. noong December 2022 ang operasyon ng online sabong sa buong bansa, hanggang sa tuluyang ipinagbawal na ang electronic sabong o e-sabong sa buong kapuluan.

Kasabay nito ay mahigpit na inatasan ng pangulo ang PAGCOR, DILG at PNP na maglunsad ng agresibong aksyon laban sa mga operator ng e-sabong. Inatasan din ng Pangulo na makipag tulungan sa all out na kampanya laban sa e-sabong operation ang mga lokal na opisyales.

Ngunit anong nangyari sa direktibang ito ni PBBM? Dapat alamin ng Pangulo kung totoong may ilang matataas na opisyales ng PNP at mga local government official ang nakikinabang sa operasyon ng ilegal na e-sabong. May karugtong.

***

Para sa komento: Cp.# 0966 406 6144