Advertisers

Advertisers

RAYMOND GOROSPE, READY NANG IKUWENTO ANG BUHAY SA ‘MY STORY, MY MUSIC’

0 33

Advertisers

Ni ARCHIE LIAO

MATAGAL nang kumakanta si Raymond Gorospe—mula pagkabata hanggang sa iba’t ibang yugto ng kanyang buhay. Bukod sa pagiging singer, isa rin siyang aktor, host at commercial model.Ngayon, panahon naman para ibahagi niya ang kanyang kuwento sa pamamagitan ng musika.

Sa October 2, 2026, Biyernes, magaganap ang unang major concert ni Raymond na “Raymond Gorospe: My Story, My Music” sa Celebrity Club, Capitol Hills Drive, Quezon City.



Dinner is at 6:30 p.m., habang alas-8:00 p.m. magsisimula ang show.

Inihahandog ito ng Ponti Entertainment Production, kasama sina Adonis Tabanda bilang musical director at Calvin Neria bilang concert director.



Ayon kay Raymond sa ginanap na mediacon sa Tikme Dine sa The Royalcare Venue, Don Faustino Street sa Barangay Holy Spirit sa Quezon City, hindi lamang basta concert ang kanyang gagawin. Isa itong personal na paglalakbay sa mga kantang naging bahagi ng kanyang buhay—mula sa kanyang kabataan, pamilya, pagkakaibigan, pananampalataya, pag-ibig at maging sa mga pagsubok na kanyang pinagdaanan.

“This is unfinished business,” bungad ni Raymond.



Matagal na raw siyang tinatanong kung kailan siya magkakaroon ng sariling show.

“I’ve been singing for a long time. I started singing when I was a kid. A lot of people are asking, ‘O kailan ka magsho-show? Kailan ka magko-concert?’”

Sa katunayan, hindi naman talaga nawala ang pagkanta sa kanyang buhay.

“I’ve been singing from birth to death. Iyong mga bagong anak, iyong nagpapa-birthday, iyong mga namaalam na. So, we decided to have this concert.”

Bukod sa kanyang mga sariling gigs at events, naging guest din siya sa iba’t ibang concerts. May nauna na rin silang planong concert noon, ngunit kinailangang ipagpaliban dahil sa Gulf War.

PERSONAL ANG MGA KANTA

Dahil personal ang konsepto ng concert, hindi random ang mga kantang maririnig sa October 2.
Kasama sa playlist ang mga kantang kinakanta niya noong high school, isang awiting inawit niya sa debut ng isang classmate o kaibigan, at mga awiting natutunan niya bilang bahagi ng church choir. Tampok din ang kantang may espesyal na lugar sa kanyang puso—“The Promise,” na kanyang kinanta noong siya ay ikinasal.

Babalikan din niya ang isang awit na kanyang itinanghal nang sumali siya sa isang singing contest noong 1997 o 1998.

Gayunman, aminado si Raymond na hindi naging madali ang pagpili ng mga kanta.

“The hardest part is coming up with a set list because this is gonna tackle about the important chapters in my life, even the highs and lows.”

Bukod sa mga mahahalagang yugto ng kanyang buhay, nais din niyang bigyang-pugay ang mga taong naging bahagi ng kanyang journey.

“Gusto ko ring bigyan ng importance iyong friends ko I met along the way na nakasama ko, so I wanna give them the spot sa concert.”

STAR-STUDDED ANG GUEST LIST

Dahil mahalaga kay Raymond ang mga taong nakasama niya sa kanyang paglalakbay, magiging mas espesyal ang gabi dahil makakasama niya sa entablado ang ilang singers mula sa iba’t ibang henerasyon.

Kabilang sa kanyang special guests si Ima Castro, na nakilala niya nang umawit siya sa wedding nina Tonton Gutierrez at Glydel Mercado. Bahagi rin si Ima ng Miss Saigon at ninang ng anak ni Raymond.

Kasama rin sina Beverly Salviejo, Rona, na naging unang Filipina semifinalist sa Britain’s Got Talent, at Isay, na nakatanggap ng Golden Buzzer mula kay Donny Pangilinan nang sumali sa isang talent show.

Magkakaroon din ng espesyal na tribute para sa tatlo niyang kaibigang pumanaw na.

Dadagdag sa impressive guest lineup sina Madonna Decena, Kathy Hipolito at Tara Zaldivar.

“BIGYAN NATIN SI TITO RAYMOND NG SPOTLIGHT”

Ang pagkakaroon ng sariling concert ni Raymond ay matagal na ring napag-uusapan, ayon kay Executive Producer Elisha Pontanares.

Nang magkaroon siya ng sariling kumpanya at production house, isa sa mga layunin niya ay makatulong sa mga artist na mapaunlad ang kanilang talento at musika. Kaya nang maisip nilang bigyan ng sariling concert si Raymond, mabilis itong napagkasunduan.

“What if on one of our projects, ibigay namin kay Tito Raymond kasi siyempre he’s the most influential person in our growing family when it comes to mentoring things in the industry,” ani Elisha.

Dagdag pa niya, panahon na para bigyan ng spotlight ang isang artistang aniya’y may “enormous talents.”

At kung pagbabasehan ang inihandang repertoire ni Raymond, hindi lamang ito isang concert kundi isang musical trip down memory lane—isang pagtatanghal na mag-uugnay sa kanyang mga alaala, karanasan at mga taong naging bahagi ng kanyang buhay.

Si Raymond ay two-time Aliw Award winner for Best Male Host at WCOPA multi-medalist.

Sa “Raymond Gorospe: My Story, My Music,” hindi lang kanta ang kanyang ihaharap sa audience kundi ang kanyang mga alaala, tagumpay, pagsubok, pagkakaibigan at mga kuwentong humubog sa kanyang buhay.

Isang gabi ng musika. Isang buhay na ikukuwento. Isang kuwentong aawitin ni Raymond Gorospe.