Advertisers

Advertisers

LUISTRO: P818-M YAMAN NI SARA SAPAT PARA PATALSIKIN!

0 21

Advertisers

NANINIWALA ang prosekusyon ng Kamara na sapat ang mga ebidensiyang iniharap nito upang mapatalsik sa puwesto si Vice President Sara Z. Duterte batay pa lamang sa kasong hindi maipaliwanag na yaman, ayon kay House lead prosecutor Atty. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro ng Batangas sa Senate Impeachment Court nitong Martes.

Ginawa ni Luistro ang pahayag kasabay ng pormal na pagdedeklara ng prosekusyon na tatalikuran na nito ang tatlo pang artikulo ng impeachment complaints upang ituon ang lahat ng pagsisikap sa Article II, na tumatalakay sa hindi maipaliwanag na yaman, paglabag sa mga rekisito sa pagsisiwalat ng mga ari-arian at pagkakaroon ng ipinagbabawal na interes sa negosyo.

“Naniniwala ang prosekusyon na nakapagharap na ito ng sapat na ebidensiya upang tumayo nang mag-isa ang Article II. Buong-buo ang suporta namin dito,” pahayag ni Luistro sa mga senador-hukom.



Ayon sa mambabatas, sapat ang lakas ng mga ebidensiya upang patunayan ang ‘culpable violation of the Constitution’ o mapanagutang paglabag sa Konstitusyon, gayundin ang ‘betrayal of public trust’ o pagtataksil sa tiwala ng publiko—dalawa sa mga batayan para sa pagpapatalsik sa isang opisyal sa pamamagitan ng impeachment.

“Naniniwala kami na ang mga ebidensiya ay matibay at mapanghikayat, at nagbibigay-katwiran sa pagpapatalsik sa respondent sa puwesto dahil sa mapanagutang paglabag sa Konstitusyon at pagtataksil sa tiwala ng publiko,” ani Luistro.



Nauna nang inilahad ng huling testigo ng prosekusyon na si forensic accounting expert Atty. Alexander Cabrera ang mga natuklasan nito hinggil sa tinatayang P817.87 milyong umano’y hindi maipaliwanag na yaman na may kaugnayan kay Duterte at sa kanyang asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio, mula 2022 hanggang 2025.

Iniharap din ng prosekusyon ang mga rekord mula sa mga bangko, kompanya ng seguro at iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan upang suportahan ang mga alegasyon nito hinggil sa mga ari-arian, kita at interes sa negosyo ng bise presidente.



Saklaw ng Article II ang tatlong pangunahing alegasyon: ang hindi maipaliwanag na yaman, paglabag sa mga rekisito kaugnay ng Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), at pagkakaroon ng ipinagbabawal na interes sa negosyo.

“Naniniwala kami na nakapagbigay kami ng sapat na ebidensiya hinggil sa lahat ng mga alegasyong ito,” ani Luistro.

Binigyang-diin din niya na nakabatay sa pagsusuri ng prosekusyon sa mga ebidensiya at sa pananagutan nito sa publiko ang desisyong ituon ang kaso sa Article II.

“Sa pagtatasa ng prosekusyon, ang pagtutuon sa artikulong ito ang pinakamakatuwirang hakbang, alinsunod sa mga ebidensiya at sa aming tungkulin sa bansa,” dagdag niya.

Itinanggi naman ni Duterte ang mga ebidensiyang iniharap ng prosekusyon, at inakusahan itong nag-iimbento ng mga paratang laban sa kanya.

Nasa kamay na ng Senado bilang impeachment court ang pagpapasya kung sapat ang mga ebidensiya upang patunayan ang mga paratang at bigyang-katwiran ang paghatol na nagkasala ang bise presidente.