Mayor Isko, pinagdiwang ang 1,000 4Ps graduates na may skills training, livelihood grants, at pangako
Advertisers
Isang libong pamilya sa Maynila ang pormal na nagtapos sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps nitong Miyerkules matapos maabot ang antas ng self-sufficiency na kinakailangan para makagraduate sa flagship conditional cash transfer program ng pambansang pamahalaan.
Pinangunahan ni Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ang LGU-Pugay Tagumpay Graduation Ceremony sa San Andres Sports Complex sa Maynila nitong hapon ng Oktubre 14, katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ang Manila Department of Social Welfare (MDSW).
Ang 1,000 graduating households ay mula sa lahat ng anim na congressional district at Baseco, kung saan pinakamataas ang District 1 na may 286 graduates, sinundan ng District 2 na may 192, District 3 na may 122, District 4 na may 116, Baseco at District 6 na tig-105, at District 5 na may 74.
Sinabi ni Domagoso sa mga nagsipagtapos na ang pag-alis sa programa ay hindi nangangahulugang pag-alis ng suporta ng lungsod. Hinikayat niya silang mag-enroll sa skills training program ng Manila City government katuwang ang TESDA.
Ang mga graduate na makakakumpleto ng training program ay maaari ring mag-apply para sa livelihood grant para mapuhunan ang kanilang bagong natutunang kasanayan, na nagbibigay sa mga pamilya ng malinaw na landas mula sa cash assistance tungo sa economic independence.
Ginamit din ng Alkalde ang pagkakataon para ipaalala sa mga Manileño ang libreng Catheterization Lab ng lungsod sa Ospital ng Maynila, na nagbibigay ng libreng angiogram at angioplasty services — mga prosedyrang nagkakahalaga ng P50,000 hanggang P1.5 milyon sa pribadong ospital.
“Magkano ang babayaran niyo? Sa Heart Center, 75,000 hanggang 500,000. Sa Maynila, wala kayong babayaran. Zero, literally zero,” aniya, at binanggit na 79 na pasyente na ang naserbisyuhan ng pasilidad mula nang magbukas ito.
Tiniyak ni Domagoso sa mga graduate at sa publiko na patuloy na mamumuhunan ang lungsod sa minimum basic needs — pabahay, edukasyon, kalusugan, at trabaho — kahit humaharap ang Maynila sa fiscal constraints dahil sa global economic pressures na lagpas sa kontrol ng lokal na pamahalaan.
“Kahit na kakaunti ang ating resources, malaking porsyento noon ay patuloy kong gagastusin addressing MBN,” aniya. “May gobyerno sa Lungsod ng Maynila.” (Jocelyn Domenden)