Advertisers

Advertisers

PANGULONG MARCOS, KUMIKILOS SA GITNA NG MGA HAMON AT PAGSUBOK

0 19

Advertisers

Hindi biro ang mga hamong kinakaharap ng bansa sa mga panahong ito.

Mula sa banta ng matinding El Niño at paghina ng piso hanggang sa usapin ng soberanya sa West Philippine Sea (WPS), maraming bagay ang nangangailangan ng agarang atensiyon ng pamahalaan.



Sa gitna nito, mahalagang makita kung paano kumikilos si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. upang harapin ang mga problemang direktang nakaaapekto sa mga Pilipino.

Isa sa mga kapansin-pansing hakbang ng Pangulo ang paghahanda ng pamahalaan sa inaasahang Super El Niño. Aba’y sa halip na hintayin munang maramdaman ang matinding epekto nito, inatasan niya ang mga ahensya na maglatag ng kani-kanilang plano upang maprotektahan ang suplay ng tubig, pagkain at serbisyong pangkalusugan.



 Napaka-kyusyal ng ganitong paghahanda dahil hindi lamang init ng panahon ang maaaring idulot ng El Niño. Posibleng maapektuhan ang mga pananim, kabuhayan ng mga magsasaka, suplay ng tubig at presyo ng mga pangunahing bilihin.

 Maging ang paghikayat sa pagtitipid ng tubig, pag-iimbak ng ligtas na suplay at pagtatanim ng sariling gulay ay may kabuluhan. Maaaring simple ang mga hakbang na ito, ngunit kapag pinagsama ang pagsisikap ng pamahalaan at publiko, maaari itong makatulong upang mapagaan ang epekto ng kakulangan sa mga pangunahing pangangailangan.



 Samantala, isa ring mahalagang bahagi ng pamumuno ang paghahanap ng mga oportunidad sa labas ng bansa. Sa working visit ni Marcos sa Singapore, nakipagpulong siya sa mga business leaders at mga opisyal ng pamahalaan upang palakasin ang ugnayan sa kalakalan, pamumuhunan at enerhiya.

Hindi dapat maliitin ang mga ganitong pagbisita. Sa panahong matindi ang kompetisyon ng mga bansa para makahikayat ng pamumuhunan o kapital, mahalagang maipakita ng bansa na handa itong makipagsabayan at magbukas ng oportunidad para sa mga negosyante 

Kabilang sa mga inilatag na oportunidad ang karagdagang pamumuhunan sa enerhiyang mula sa renewable sources at pagpapalawak ng mga pasilidad para sa logistics at air freight. Kapag naisakatuparan ang mga proyektong ito, maaari silang makatulong sa paglikha ng trabaho, pagpapalago ng negosyo at pagpapalakas ng kakayahan ng bansa sa mga susunod na taon. 

Sa usapin naman ng halaga ng piso, hindi maikakailang mabigat ang epekto ng paghina nito laban sa dolyar. Kapag nagmahal ang mga inaangkat na produkto, maaaring madagdagan ang gastusin ng mga pamilya at negosyo.

Ngunit mahalagang kilalanin na hindi lamang mga desisyon ng pamahalaan ang nakaaapekto sa palitan ng piso at dolyar. May impluwensiya rin ang galaw ng pandaigdigang merkado, presyo ng langis at mga pangyayaring pang-ekonomiya sa ibang bansa.

 

Sa usapin ng WPS, malinaw din ang kahalagahan ng paninindigan ng Pangulo sa soberanya at karapatan ng bansa. Pinatunayan ito ng naging pahayag ni PBBM sa ika-125 anibersaryo ng Philippine Coast Guard (PCG) nitong Biyernes, Oktubre 16.

 

Dito’y sinabi ng Chief Executive na nais niyang makausap ang Chinese ambassador upang linawin ang naging pahayag nito tungkol sa posibilidad ng paggamit ng puwersa. Sa halip na basta palalain ang sitwasyon, iginiit ng Pangulo ang pangangailangan ng pag-uusap at pagpapaliwanag ng magkabilang panig.

 

Sa totoo lang, importante ang ganitong hakbang sapagka’t ang pagtatanggol sa bansa ay hindi nasusukat sa lakas ng pananalita lamang. Kailangan din ang maingat na diplomasya, matibay na institusyon at mga hakbang na hindi isinasakripisyo ang kapayapaan.

 

Kaya sa kabuuan, makikita sa mga hakbang na ito ang ilang mahahalagang prayoridad ng administrasyong Marcos: paghahanda sa kalamidad, paghahanap ng pamumuhunan, pagpapalakas ng enerhiya at pagtatanggol sa pambansang interes.

 

Gayunman, ang tunay na sukatan ng isang administrasyon ay hindi lamang ang dami ng mga pagpupulong, pahayag o kasunduang nailahad sa publiko. Sabi nga, mas mahalaga ang mga resulta.

 

Bunga nito, kailangang makita ng mga mamamayan ang mas maayos na serbisyo, mas maraming oportunidad sa trabaho, sapat na suplay ng mga pangunahing bilihin at konkretong tulong para sa mga pamilyang higit na nangangailangan.

***

Catch Gilbert Perdez on “TODO BALITA” every Saturday from 4:00 AM to 5:00 AM on DWIZ 882 AM and ALIW Channel 23, and on “BRGY. 882” from 7:00 AM to 8:00 AM. Tune in via ALIW Channel 23, DWIZ 882 AM, the DWIZ 882 Facebook page, or DWIZ On-Demand on YouTube. For comments and inquiries, you may contact him by email at gil.playwright@gmail.com.