Advertisers
ARESTADO na ang 32-anyos na lalaking itinutu-ring na person of interest (POI) sa bangkay ng babaeng natagpuan sa loob ng refrigerator sa isang apartment sa Rodriguez, Rizal noong Setyembre.
Natunton ang lalaki sa loob ng isang kotse na nakaparada sa tapat ng convenience store sa Cubao, Quezon City Huwebes ng gabi, Oktubre 15, sa tulong ng isang informant.
Inaresto ang POI sa bisa ng warrant of arrest para sa serious illegal detention, na walang inirekomendang piyansa. Hiwalay ang naturang kaso sa imbestigasyon sa pagkamatay ng babae.
Ayon kay Rodriguez police chief Lt. Colonel Arwyn Gaffud, kasambahay ng babaeng biktima ang naghain ng reklamo sa serious illegal detention laban sa lalaki kaugnay ng insidenteng nangyari sa Parañaque City noong 2025.
Itinuturing siyang ‘person of interest’ sa pagkamatay ng babae dahil, ayon sa mga testigo, siya ang kasama nitong lumipat sa apartment sa Barangay San Jose bago natagpuan ang bangkay Setyembre 16.
Tumanggi muna ang lalaki na magbigay ng pahayag, ngunit sinabi sa pulisya na wala siya sa lugar nang mangyari ang insidente.
Nasa kustodiya narin ng pulisya ang sasakyang ginamit ng lalaki at isinailalim ito sa inspeksiyon.
Ayon kay Gaffud, patuloy ang pangangalap ng ebidensiya at hinihintay ang resulta ng DNA examination ng biktima bago isumite sa Rizal provincial prosecutor ang kaukulang case folder kaugnay ng pagpatay.