Advertisers

Advertisers

GOITIA, KINUWESTIYON ANG MAS MALAWAK NA ESTRATEHIYA NG TSINA HABANG TUMITINDI ANG PRESSURE SA PILIPINAS

0 22

Advertisers

Bahagi ba ng mas malawak na estratehiya ng Tsina ang mga pagkilos nito sa West Philippine Sea upang pahinain ang paninindigan ng Pilipinas at hamunin ang mga karapatan nito sa karagatan?

Para kay Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia, kailangang masusing suriin ang tumitinding tensiyon sa rehiyon.

Noong Oktubre 15, sinabi ni Chinese Ambassador Jing Quan na “madaling mananalo” ang Tsina kung gagamit ito ng puwersa, bago igiit na hangad ng Beijing ang kapayapaan. Sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tila banta ang pahayag, habang tinawag naman ito ng Department of Foreign Affairs na isang “thinly veiled threat of the use of force.”



Binigyang-diin ni Goitia na pinahahalagahan ng mga Pilipino ang kapayapaan, demokrasya, at pandaigdigang batas, ngunit hindi sila magpapasindak. Hinarap ng ating mga ninuno ang mga dayuhang mananakop kahit dehado sa armas, taglay ang tapang at pagmamahal sa bayan. Buhay pa rin ang diwang iyon. Kapag nanganganib ang soberanya, maninindigan ang mga Pilipino at ipagtatanggol ang kanilang bayan.

Samantala, natukoy sa isang ulat ng maritime intelligence ang isang barko ng Chinese People’s Liberation Army Navy malapit sa mga isla ng Ambulong at Diwaran noong Oktubre 14. Namataan din umano malapit sa Panatag Shoal ang mga barko ng Chinese maritime militia na may kakayahang magsagawa ng pananaliksik sa dagat. Mabagal na kumilos ang barkong pandigma nang halos dalawang oras bago nagpatuloy sa timog, bagaman hindi pa kumpirmado ang buong galaw nito.



Ayon kay Goitia, bahagi ng tungkulin ng pamahalaan ang pagbabantay sa mga dayuhang barko.

“Hindi pang-uudyok ang pagsubaybay sa mga dayuhang barko. Responsibilidad natin itong gawin upang pangalagaan ang karagatan, seguridad, at pambansang interes ng bansa,” aniya.



Isa pang dapat bantayan ang paglalabel sa Pilipinas bilang “troublemaker” sa rehiyon. Ginamit ni Chinese Foreign Ministry spokesperson Lin Jian ang bansag na ito laban sa Maynila, habang kinuwestiyon din ni Vice President Sara Duterte kung nagiging “troublemaker” ang Pilipinas sa Southeast Asia.

Bakit sinisisi ang Pilipinas sa pagtatanggol sa sarili nitong karapatan sa karagatan? Ang ganitong pananalita ay maaaring maglihis ng pansin sa mga sigalot at magmukhang mali ang pagtatanggol ng bansa sa mga lehitimong karapatan nito.

Dapat ding linawin ng Beijing ang mga ulat na may kaugnayan sa “Operation Rising Dragon” at sa posibleng pagsalakay sa malalaking bahagi ng teritoryo ng Pilipinas sa 2028. Lalong nagiging mahalaga ang mga ulat na ito sa gitna ng patuloy na presyur ng Tsina sa West Philippine Sea at mga iniulat na pag-aangkin nito sa Palawan at Batanes. Ipagtatanggol ng Pilipinas ang bawat pulgada ng teritoryo nito. Hindi maaaring tawaran ang ating soberanya, hindi maaaring angkinin ang ating bayan, at walang dayuhang kapangyarihan ang makapipigil sa paninindigan ng mga Pilipino na ipagtanggol ang kanilang bansa.

Sa gaganaping ASEAN Summit sa Metro Manila sa Nobyembre, magkakaroon muli ang Pilipinas ng pagkakataong igiit ang mga karapatan nito at palakasin ang suporta ng mga karatig-bansa para sa pandaigdigang batas. Walang panggigipit o pagpapakitang-lakas ng militar ang dapat magtulak sa mga Pilipino na isuko ang mga karapatang nararapat sa kanila.

Pinipili ng Pilipinas ang kapayapaan, ngunit hindi ito yuyukod sa pananakot. Hindi maaaring tawaran ang ating soberanya. Maninindigan ang ating bansa.

Si Dr. Jose Antonio Goitia, Juris Doctor, PhD, ay Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield Movement (FDNY). Mayroon din siyang mga advanced degree, kabilang ang MNSA, MPA, at MBA.