Kamara sinimulan na ang imbestigasyon ukol sa drug shipment sa Thailand at Laos na tinangkang ipasok sa PH
Advertisers
UMARANGKADA na ang imbestigasyon ukol sa drug shipment sa Thailand at Laos na tinangkang ipasok sa Pilipinas na pinangungunahan ng House Committee on Dangerous Drugs sa ialim ng pamumuno ni Las Piñas Rep. Mark Anthony Santos.
Sa pagdinig ay isinalaysay ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Undersecretary Isagani Nerez ang mga detalye kaugnay sa 521 kilo ng shabu sa Laos na nagkakahalaga ng P3.5 billion na tinangkang ipasok sa Pilipinas sakay ng isang private jet.
Sa kwento ni Nerez, nagsimula ang pagkilos hinggil dito noong September 1 na pinangunahan ng isang nagngangalang Sultan Edriezan Rimbang na siyang financier at mastermind na nanguna sa pagpaplano ng lahat ukol sa drug shipment na noong Oktubre 1 ay naharang ng mga awtoridad sa Laos.
Naniniwala rin ang PDEA na may koneksyon si Rimbang sa isang international drug syndicate dahil sa pinagmulan ng kargamento.
Ayon kay Nerez, posibleng may iba pang kasabwat si Rimbang na may access sa Golden Triangle, na kilalang pinagmumulan ng ilegal na droga sa Asya.
Ayon kay Nerez, sa ngayon ay patuloy pa ang kanilang imbestigasyon at pagkuha ng mga ebidensya hinggil dito katuwang ang Philippine National Police.
Isinalaysay din ni Nerez ang tungkol naman sa drug shipment mula sa Thailand na may kargang mahigit 1 tonelada ng shabu.
Ani Nerez, walang katiyakan na sa Pilipinas planong dalahin ang kargamento pero sakaling sating bansa ito dahalahin ay tiyak na hindi ito makakalusot sa pinagsanib na pwersa ng PDEA, Armed Forces of the Philippines – Philippine Navy at Philippine Coast Guard.
Tiniyak ni Nerez ang lubos na pakikipagtulungan sa imbestigasyon ng Kamara hinggil sa nabanggit na mga drug shipment.