Advertisers

Advertisers

Luistro pinuri paninindigan ni Dean Sarmiento… TESTIGO NG DEPENSA NI VP SARA UMATRAS!

0 17

Advertisers

KINUWESTYON ng House lead prosecutor kung sinuri muna ng kampo ni Vice President Sara Duterte ang kahandaang tumestigo ng kanilang napiling saksi bago ito hilinging ipatawag sa impeachment trial.

Pinuri naman ni House lead prosecutor Gerville “Jinky Bitrics” Luistro ang naging desisyon ni dating law dean Ralph Sarmiento na hindi tumestigo para sa depensa o prosekusyon sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte dahil nais nitong mapanatili ang kalayaan at pagiging patas bilang eksperto sa batas konstitusyonal.

Sa panayam sa ANC’s Headstart ni Karen Davila nitong Huwebes, Nobyembre 5, sinabi ni Luistro na humanga siya sa paninindigan ni Sarmiento na huwag maging bahagi ng alinmang kampo upang mapangalagaan ang kanyang pagiging independent at impartial sa pagbibigay ng legal na opinyon.



Inaasahang si Sarmiento ang unang magbubukas ng presentasyon ng depensa sa pagpapatuloy ng paglilitis sa Nobyembre 9. Nais sana siyang hingin ng kampo ni Duterte upang magbigay-linaw sa mga usaping legal at konstitusyonal kaugnay ng Article II o alegasyon ng unexplained wealth.

Gayunman, sa isang naitalang pahayag na ipinalabas sa panayam, malinaw na sinabi ni Sarmiento na hindi siya tatanggap ng papel bilang testigo ng alinmang panig. Hiniling din niya sa depensa na bawiin ang kanilang mosyon para sa pagpapalabas ng subpoena o ipawalang-bisa ito kung naisyuhan na.



“I’m quite surprised na it seems that the defense did not reach out to him prior to filing the motion for issuance of subpoena to this witness,” ani Luistro.

Ayon sa prosekusyon, mahalagang alamin muna kung pumapayag at handang tumestigo ang isang tao bago ito isama sa listahan ng mga ihaharap na saksi.



Samantala, sinabi rin ni Luistro na makabubuti pa sa prosekusyon kung personal na haharap at tatayo sa witness stand si Duterte upang sagutin ang mga alegasyon laban sa kanya.

Paliwanag niya, nakasalalay sa mga dokumento at financial records ang mga ebidensiyang iniharap ng prosekusyon kaugnay ng umano’y hindi maipaliwanag na yaman, maling deklarasyon ng mga ari-arian at ipinagbabawal na interes sa negosyo.

Binanggit ni Luistro ang ulat ni forensic accounting expert Alexander Cabrera na tumukoy sa tinatayang P817.87 milyon na umano’y undeclared assets at unexplained wealth na may kaugnayan kay Duterte at sa kanyang asawang si Atty. Manases Carpio, batay sa pagsusuri sa mga rekord mula 2022 hanggang 2025.

Iginiit ni Luistro na kailangang sagutin ng depensa ang mga dokumentong nagmula mismo sa mga deklarasyon ng mag-asawa at sa kanilang mga kumpanyang may kaugnayan sa usapin, kabilang ang audited financial statements at income tax returns.

Binigyang-diin niya na mahirap kontrahin ang mga dokumentong mismong nagmula sa mga respondent at sa kanilang mga negosyo.

“The evidence on unexplained wealth is document-based,” diin ni Luistro.

Sa kabila ng pag-atras ni Sarmiento bilang testigo, nakatakdang ipagpatuloy ng depensa ang kanilang presentasyon sa pagbabalik ng impeachment proceedings sa Nobyembre 9.