Advertisers

Advertisers

NCRPO PINAIGTING ANG PAGBABANTAY SA MGA “TOURIST SPOTS” SA METRO MANILA

0 22

Advertisers

PINAIGTING ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang pagbabantay ng pulisya sa mga lugar na madalas puntahan ng mga dayuhang turista kasunod ng dalawang magkahiwalay na insidente na kinasangkutan ng mga dayuhan sa Parañaque City at Maynila.

Tiniyak ni NCRPO Officer-in-Charge PBGen. Christopher N. Abrahano na reresponde agad ang pulisya laban sa mga indibidwal na nagsasamantala at nambibiktima ng mga turista.

Naglabas ng kautusan si PBGen. Abrahano kasunod ng insidente ng panghoholdap sa isang Korean national noong Oktubre 31 sa Parañaque City, kung saan nagpanggap umanong mga motorcycle taxi rider ang mga suspek upang mabiktima ang dayuhang bisita. Naaresto na ang isang 30-anyos na suspek mula sa Sta. Cruz, Maynila, habang patuloy namang tinutugis ang dalawa pa nitong kasabwat.



Sa hiwalay na insidente, inaresto ng pulisya ang limang hinihinalang miyembro ng “Ativan Gang” sa Intramuros, Maynila, noong Linggo, Nobyembre 1, matapos mahuli ang isa sa kanila habang ninanakaw ang pitaka ng isang 28-anyos na Chinese tourist na kagagaling lamang sa pagsisimba sa San Agustin Church.

Inatasan ni PBGen. Abrahano ang mga kinauukulang yunit ng pulisya na ipagpatuloy ang mga follow-up operation laban sa mga natitirang suspek sa panghoholdap sa Parañaque at paigtingin ang presensya ng mga pulis sa mga tourist destination, simbahan, hotel, komersiyal na establisimyento, at iba pang lugar na karaniwang dinarayo ng mga dayuhan.



Binigyang-diin niya na bagama’t tinutugunan na ang mga insidenteng ito sa pamamagitan ng mga operasyon at imbestigasyon ng pulisya, hindi dapat ituring ang mga ito bilang kabuuang larawan ng sitwasyon sa seguridad sa Metro Manila.

Pinaalalahanan din niya ang mga police commander na palakasin ang koordinasyon sa mga establisimyento ng turismo, mga lokal na pamahalaan, at iba pang katuwang upang matiyak na agad na natutugunan ang mga alalahanin at insidenteng kinasasangkutan ng mga dayuhang bisita at mabilis na naibibigay ang kinakailangang tulong ng pulisya. (JOJO SADIWA)

style="display:block" data-ad-client="ca-pub-7020468026123536" data-ad-slot="5705765747" data-ad-format="auto" data-full-width-responsive="true">