Advertisers

Advertisers

QCinema 2026, todo suporta sa pelikulang Pinoy; world premieres at classic films, tampok!

0 5

Advertisers

Ni ARCHIE LIAO

BONGGA ang handog na mga de-kalibreng pelikula sa ika-14 na edisyon ng QCinema International Film Festival na gaganapin sa Nobyembre 13 hanggang 22, 2026.

Tampok sa festival ang mga bagong pelikulang Pinoy, world premieres, international festival favorites at mga klasikong obra na muling bibigyang-buhay sa big screen.



Patunay ito ng patuloy na suporta ng QCinema hindi lamang sa mga bagong talento sa pelikula kundi maging sa mayamang kasaysayan ng Philippine cinema.

Pasabog sa pagbubukas ng festival ang world premiere ng “Ella Arcangel: Awit ng Pangil at Kuko,” sa direksiyon ni Mervin Malonzo.



Hango sa graphic novel series ni Julius Villanueva, tampok sa animated film ang kuwento ni Ella, isang batang mambabarang na ginagamit ang kaniyang pambihirang kapangyarihan sa pakikipaglaban sa masasamang tao at mga nilalang mula sa mitolohiya upang ipagtanggol ang kaniyang komunidad.

Boses ni Bianca Umali ang pangunahing karakter na si Ella. Co-produced ng GMA Pictures, ang pelikula lamang ang animated entry sa Asian Next Wave competition, ang pangunahing kategorya ng QCinema para sa mga bagong Asian filmmaker.



Hindi rin pahuhuli ang “The Remotes” ng experimental filmmaker na si John Torres, na unang ipinalabas sa Toronto International Film Festival at mapapanood naman sa Asian premiere nito sa QC Selects section ng QCinema.

Umiikot ang kuwento sa dalawang magkapatid na may supernatural powers na naghahanap ng katotohanan tungkol sa misteryosong boses ng isang driving app na kumokontrol sa mga taong nagsisilbing avatar. Pinaghihinalaan nilang ang boses ay pag-aari ng kanilang namayapang ina.

Tampok sa pelikula sina Alchris Galura, Gabby Padilla, Julia Richards at Enchong Dee.

Muling magpapasilip sa kaniyang husay ang batikang direktor na si Lav Diaz sa pamamagitan ng dalawang pelikulang magkaiba ang panahon at estilo.

Una rito ang pinakabagong obra niyang “Makikiraan Po” (Let Us Through, Dear Ancestors), na unang ipinalabas sa labas ng kompetisyon sa Venice International Film Festival at nagwagi ng Brian Award (Premio Brian).

Nakatakda ang kuwento sa panahon ng pananakop ng mga Espanyol at tumatalakay sa madilim na bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas, partikular sa karahasan, pang-aapi at pakikibaka.

Tampok sa pelikula ang ensemble cast na kinabibilangan nina Bart Guingona, Ronnie Lazaro, Isabel Sandoval, Yul Servo, Christian Bables, Bong Cabrera, Rafa Siguion-Reyna at Amado Arjay Babon. Magkakaroon ito ng Southeast Asian premiere sa Screen International section.

Muling mapapanood sa big screen ang isa sa mahahalagang obra ni Diaz na “Batang West Side,” sa kumpletong 301-minutong bersiyon nito bilang bahagi ng Rediscovery section.

Pinagbibidahan nina Yul Servo, Joel Torre, Gloria Diaz at Angel Aquino, nagwagi ang neo-noir crime drama ng Best Asian Feature Film sa 2002 Singapore International Film Festival. Kinilala rin itong Best Film of the Decade sa 2011 Gawad Urian Awards.

Bibigyang-pugay naman ng QCinema ang multi-talented artist na si Pete Lacaba sa pamamagitan ng dalawang klasikong pelikulang naging bahagi ng ikalawang ginintuang panahon ng pelikulang Pilipino.

Kilala si Lacaba bilang isa sa mga pangunahing personalidad sa mga protesta laban sa diktadurang Marcos noong dekada ’70 na tinawag na First Quarter Storm. Kabilang sa mahahalagang akda niya ang tulang Prometheus Unbound at aklat na Days of Disquiet, Nights of Rage, na nagdokumento sa mga kaganapan at pakikibaka noong panahong iyon.

Binigyang-pugay siya ng QCinema dahil sa mahalagang ambag niya sa dalawang pelikulang muling naibalik sa dating kinang matapos sumailalim sa restoration—ang “Jaguar” at “Sister Stella L.”

Ang “Jaguar” ang kauna-unahang pelikulang Pilipino na napili sa main competition ng Cannes Film Festival noong 1980. Sa direksiyon ni National Artist for Film Lino Brocka, kapwa isinulat nina National Artist Ricky Lee at Lacaba ang iskrip nito.

Kuwento ito ng isang security guard na nasangkot sa mundo ng krimen habang pinoprotektahan ang isang mayamang binata. Sa gitna ng matinding agwat ng mayaman at mahirap, naharap siya sa mahihirap na desisyon at trahedyang dulot ng paghahangad sa katanyagan.

Isinagawa ang 4K restoration sa tulong ng Philippine Film Archive, Cité de Mémoire at Film Development Council of the Philippines (FDCP).

Kasama rin sa 4K restoration program ng FDCP ang “Sister Stella L.” na idinirehe ni Mike de Leon at isinulat ni Pete Lacaba.

Sa restoration na isinagawa ng L’Immagine Ritrovato katuwang ang Regal Entertainment, mapapanood ang kumpletong bersiyon ng pelikula, kabilang ang mga eksenang tinanggal at kinensor noong una itong ipalabas noong 1984.

Umiikot ang pelikula sa kuwento ng isang madre na unti-unting namulat sa mga isyung panlipunan at pampulitika. Nag-premiere ito sa Venice Film Festival noong 1985 at nagwagi ng Best Picture sa Gawad Urian noong taon ding iyon.

Libre ang screening ng dalawang restored classics na ito, na co-presented ng Film Academy of the Philippines.

Muling mapapanood sa Rediscovery section ang paboritong black comedy road film na “Patay na si Hesus” ni Victor Villanueva bilang pagdiriwang sa ika-10 anibersaryo nito.

Isinulat nina Fatrick Tabada at Moira Lang, unang nakatanggap ng QCinema production grant ang pelikula noong 2016 at nagwagi ng Audience Choice at Gender Sensitivity Awards.

Pinagbibidahan ng yumaong Jaclyn Jose, sinusundan nito ang isang ina at ang kaniyang pamilya sa isang hindi malilimutang paglalakbay patungong Dumaguete matapos nilang mabalitaan ang pagkamatay ng kaniyang nawalay na asawa.

Hindi rin mawawala ang mga bagong pangalan sa industriya. Dalawang feature film debut ang tampok sa QC Selects section.

Kabilang dito ang “11” ni Bebe Go, na produced ni Martika Ramirez Escobar at nag-world premiere sa Breakout Features section ng 2026 Slamdance Film Festival.

Pinagbibidahan ni Gabby Padilla, sinusundan ng autobiographical at improvisational independent film ang isang filmmaker na pansamantalang tumakas patungong La Union matapos maudlot ang paggawa niya ng bagong pelikula dahil sa pandemya. Doon niya kailangang harapin ang kaniyang mga pangamba, insecurities at pagdududa sa sariling kakayahan bilang filmmaker.

Samantala, mapapanood din ang “i grew an inch when my father died” ni P. R. Monencillo Patindol, na nagwagi ng NETPAC Award sa 2026 International Film Festival Rotterdam kung saan ito unang ipinalabas sa Bright Future section.

Nakatakda ang kuwento sa isang nayon sa tabi ng ilog sa Leyte. Tatalakayin nito ang pagluluksa, pagkakaibigan at karahasang naipapasa sa susunod na henerasyon sa pamamagitan ng kuwento ng dalawang magkapatid na pilit bumabangon matapos mamatay ang mapang-abuso nilang ama.

Sa temang “Genre’teurs,” na pinagsamang mga salitang “genre” at “auteur,” bibigyang-pansin ng festival ang mga pelikulang gumagamit ng pamilyar na genre ngunit may tatak, pananaw at malikhaing estilo ng kani-kanilang direktor.

Sentro ng temang ito ang Before Midnight, seksiyon ng QCinema na nakalaan sa mga mapangahas, kakaiba at hindi pangkaraniwang pelikulang genre mula sa mga umuusbong at batikang filmmaker sa buong mundo.

Kabilang sa mga tampok dito ang “Moonglow” ni Isabel Sandoval, na nagbabalik sa Pilipinas matapos ang world premiere nito sa Big Screen Competition ng International Film Festival Rotterdam.

Pinagbibidahan mismo ni Sandoval kasama si Arjo Atayde, isang atmospheric neo-noir film ito na nakatakda sa Maynila noong dekada ’70. Kuwento ito ng isang pulis na gumawa ng pagnanakaw ngunit siya ring naatasang mag-imbestiga sa krimeng siya mismo ang gumawa, kasama ang dati niyang kasintahan.
May kakaibang timpla rin ang mga dokumentaryong tampok sa Dokyu Days.
Kabilang dito ang “To the Moon and Back” ni Elisa Gómez Alvarez, na magkakaroon ng Asian premiere matapos ang world premiere nito sa Visions du Réel.
Co-produced ni Gale Osorio ng Binisaya Movement Inc., sinusundan ng dokumentaryo ang dalawang batang siyentipiko—si Ilyasse mula Morocco at si Pauline mula Pilipinas—na nagsisikap abutin ang kanilang pangarap na makapaglakbay sa kalawakan sa pamamagitan ng matinding astronaut simulation training sa Switzerland.
Kasabay ng kanilang pagsasanay, hinaharap din nila ang diskriminasyon batay sa kasarian, pamana ng kolonyalismo at pulitika sa larangan ng space exploration.
Samantala, susuriin naman ng avant-garde director na si Khavn dela Cruz ang pamana ng yumaong National Artist for Film Ishmael Bernal sa “Bomba Bernal.”
Unang ipinalabas ang pelikula sa International Film Festival Rotterdam noong 2025. Pinaghalo rito ang mga lumang kuha mula sa mga bomba film noong dekada ’70 at mga akda ni Bernal upang makabuo ng mapangahas at nakatatawang satira sa naturang genre, gayundin ng pagpupugay sa isang mahalagang Filipino auteur.
Gaganapin ang ika-14 na QCinema International Film Festival mula Nobyembre 13 hanggang 22, 2026 sa Gateway Cineplex 18, Robinsons Movieworld Galleria, Ayala Malls TriNoma, Fisher Box Office at SM Cinema – SM City Fairview.
Mapapanood ang mga pelikula sa halagang P200 bawat ticket na may discounted price.
Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang qcinema.ph o sundan ang QCinema sa social media sa @qcinemaph.