Advertisers

Advertisers

BURIKI OPERATION SA SAN JOSE, BATANGAS, MAY COVER-UP!

0 44

Advertisers

PNP Acting Region 4A Dir. PBGen. Dominic Baccay at Major. Florencio Caisip Jr.

HABANG mahigpit ang direktiba nina DILG Secretary Jonvic Remulla at PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. sa kapulisan na sugpuin ang perwisyo at mapaminsalang operasyon ng oil and petroleum pilferage (buriki/paihi) sa bansa ay patuloy namang kumikilos ang dalawang grupo ng buriki/paihi sa bayan ni San Jose Mayor Reggie Arada-Virtucio.



Sa pamamagitan ng grupo ng Mamamayan Kontra Krimen at Bisyo (MKKB) ay humingi ng tulong sa SIKRETA ang mga apektadong residente ng San Jose, Batangas upang sugpuin ang operasyon ng buriki/paihi sa Brgy. Banay-Banay 2 at Brgy. Natunuan.

Pinapatakbo ng isang alyas Nelson ang mahigpit na nababantayang kuta ng mga magnanakaw ng produktong petrolyo malapit sa isang eskwelahan sa Brgy. Banay-Banay 2.



Libu-libong litro ng mga nakaw na krudo at gasolina ang nakaimbak sa mga malalaking plastic container sa naturang kuta na nasa boundary ng bayan ng San Jose at Lipa City.

Di kalayuan ang kuta nina alyas Nelson sa Archdiocesan Shrine and Parish of St. Vincent Ferrer na lalong kilala bilang simbahan ng San Vicente Ferrer, Lipa City.



Malamang na hindi pa alam ng management ng mga tanker truck na RTD Fuel firm na ilan sa mga driver ng mga ito ang nagbebenta kina alyas Nelson ng mga binuburiki/pinapaihi na produktong petrolyo.

Matagal nang nag-ooperate sa naturang lugar si alyas Nelson at ang mga kasosyo nito, ngunit nakagtatakang di ito alintana ni San Jose, Batangas Acting Police Chief Major. Florencio Caisip Jr.

Ang paihian naman ng Methanol at Alcohol na pinapatakbo ng magkasosyong alyas Etring Payat at alyas Roceo ay matagal na ding inirereklamo dahil sa masamang epekto sa mga tindahan ng karne sa Brgy. Natunuan Meat Market. Ngunit mistulang inutil din laban sa naturang sindikato si Major Caisip Jr.

Binebenta ni alyas Etring Payat at alyas Roceo sa mga buriki/paihi operator na tulad nina alyas Nelson ang malalaking kantidad ng Methanol upang gamiting pangbanto sa mga ninanakaw na kargamentong petrolyo sa tanker truck na dumadaan sa mga suking burikian/paihian sa iba’t ibang panig ng CALABARZON.

Bukod sa buriki/paihi nina alyas Nelson sa Brgy. Banay-Banay 2 at alyas Etring Payat at alyas Roceo sa Brgy. Natunuan, San Jose ay nag-ooperate din ng buriki/paihi sina alyas Cholo, alyas Bogs, alyas Goto, alyas Amang at alyas Aldo sa Brgy. Bancal, Carmona City, Cavite; alyas Troy sa kahabaan ng Eco Tourism Road, Brgy. Salinas, Lucena City, Quezon at Ador brothers sa Calamba City at Cabuyao City, Laguna.

Sunod-sunod ang pagkalansag ng sindikatong buriki/paihi sa Metro Manila, Region 3, Visayas at Mindanao, ngunit nakapagdududang di tinitinag ng kapulisan ang operasyon ng naturang sindikato sa bayan ni San Jose Mayor Reggie Arada-Virtucio.

Kapag inantay pa ni PNP Acting Region 4A Dir. PBGen. Dominic Baccay at Batangas PNP Acting Provincial Dir. Col. Oliver Ebora na salakayin ng mga operatiba ni Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Dir. Robert Alexander Morico II ang mga kuta nina alyas Nelson sa Brgy. Banay-Banay 2 at alyas Etring Payat at alyas Roceo sa Brgy. Natunuan, kapwa sa San Jose ay di lamang si Major. Caisip Jr. ang “puputukan” sa ilalim ng Doctrine of Command Responsibility kundi maging sina Gen. Baccay at Col. Ebora. May karugtong…

***

Para sa komento: Cp.# 0966 406 6144